Achievements ni VP Sara sa first 100 days, ibinida ng OVP

Achievements ni VP Sara sa first 100 days, ibinida ng OVP

October 8, 2022 @ 4:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inilatag ng Office of Vice President Sara Duterte nitong Sabado ang kanilang accomplishments sa unang 100 araw ngMarcos administration.

Inihayag ng OVP na naproseso nito ang kabuuang P134,376,764.95 na medical at burial assistance program mula nang opisyal na umupo sa opisina si Sara noong Hulyo 1.

Sa nasabing halaga, may kabuuang P124,579,964.95 at P9,796,800 ang naproseso para sa medical aid at burial assistance.

Nasilbihan din ang 13,315 recipients sa pitong OVP satellite offices at OVP main office hanggang nitong Oktubre 5.

Inilahad ng OVP na ang medical at burial assistance para sa indigent Filipinos program ay nabuo sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH) para sa Medical Assistance to Indigent Patients Program (MAIPP) saklaw ang 31 public hospitals sa buong bansa.

Idinagdag pa ng ahensya na katuwang nito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pag-isyu ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Para sa OVP medical services, namigay ng maximum na P20,000 sa pamamagitan ng guarantee letter at mga gamot para sa kada isang benepisyaryo, habang sa burial assistance, petty cash ang ibinahagi.

Sa Libreng Sakay Program ng OVP, sinabi ng opisina na nakinabang sa programa ang kabuuang 98,293 indibidwal sa 1,470 trips sa buong bansa.

Ang programa, sa pakikipagtulungan sa Department of Transportation, ay inilunsad sa Metro Manila sa Luzon, sa Cebu, Lapu-lapu, Mandaue at Bacolod sa Visayas, at Davao City sa Mindanao noong Agosto 3.

Sa kanyang unang 100 araw mula nang maupo sa pwesto, inihayag ng OVP na nakapagbigay na ito ng 3,220 school supplies at hygiene kits bilang bahagi ng “PagbaBAGo” campaign.

Nakinabang dito ang 3,220 estudyante mula sa anim na lugar sa bansa— Limasawa Island sa Southern Leyte, Jordan town sa Island Province ng Guimaras, Caramoan sa Camarines Sur, Kidapawan City sa North Cotabato, Siguijor Province, Dasmariñas sa Cavite, at Bangued sa Abra, base sa opisina.

Ang ‘PagbaBAGo’ campaign ay isang programa na naglalayon na ipakita ang kahalagahan ng basic education at ituro ang tamang attitude sa mga kabataang Pilipino upang magtagumpay sa buhay, sabi ng OVP.

Bukod dito, nakipagdayalogo rin ang bise presidente sa mga magulang, at kinumbinsi sila na isabuhay ang “responsible parenthood and family planning”, ayon sa OVP. RNT/SA