ACOP compliance ng SSS pinalawig pa

ACOP compliance ng SSS pinalawig pa

October 19, 2022 @ 6:04 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na palalawigin nito ang deadline para sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) hanggang Oktubre 31.

“Dahil ito ang inyong kahilingan…ang deadline para sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) program ay muling in-extend mula ika-30 ng Hunyo hanggang ika-31 ng Oktubre, 2022!” pahayag ng SSS sa kanilang Facebook post nitong Miyerkules, Oktubre 19.

Ang mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa kabilang ang mga total disability pensioner at survivor pensioners ay kailangan mag-comply sa ACOP.

Samantala, ang mga pensioners na naninirahan sa bansa ay hindi na kailangang magpasa ng ACOP.

Ayon sa SSS, ang mga hindi makakapag-comply sa panuntunang ito hanggang Oktubre 31 ay masususpinde na ang kanilang mga pension simula Enero 1, 2023.

Sa ilalim ng ACOP, ang mga pensioners ay dapat na magpasa ng kanilang updated personal information at kondisyon, kasama ng pagpapadala ng litrato hawak ang isang dyaryo na may kasalukuyang petsa.

Maaaring ipasa ang ACOP pensioner’s reply form sa SSS branches o sa pamamagitan ng email. RNT/JGC