ACT Teachers umaasa ng F2F classes sa lahat ng paaralan sa Enero

ACT Teachers umaasa ng F2F classes sa lahat ng paaralan sa Enero

December 6, 2021 @ 11:21 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang Act Teachers Partylist na sa Enero sa susunod na taon ay magkakaroon na ng limited voluntary face-to-face classes ang lahat ng eskuwelahan sa bansa kung magpapatuloy ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 at hindi makapasok ang Omicron variant.

Sinabi ni Act Teachers Partylist Rep. France Castro sa Balitaan sa Maynila na kung matutuloy ito ay kailangan pa rin ang guidelines at requirements.

Kailangan din aniya ang majority herd immunity sa pababakuna sa mga guro, retroffiting ng mga eskuwelahan para sa handwashing facilities, water facility, sanitation at dapat masunod ang health protocols tulad ng dalawang metro na distansya ng mga mag-aaral at iba pa.

Hindi naman iminumungkahi ng mambabatas ang pagkakaroon ng plastic barrier dahil napipigilan nito ang daloy o pag-ikot ng hangin.

Kailangan din limitado lamang ang estudyante na papasok sa hanggang 20 katao sa isang silid aralan at kailangan din na may naka-standby na doktor o nurse at pondo sakaling may magkasakit na bata o guro na dapat paghandaan.

Bagamat ang Pilipinas nalang aniya ang hindi nagsasagawa ng F2F classes, kailangan pa rin aniyang maging maingat bagamat may malaking impact umano ito sa pagkatuto ng mga bata kung patuloy ang blended learning o modular.

Aniya, epektibo pa rin ang F2F basta masunod lang ang sapat na bilang ng mga estudyante sa klase, health protocol, bakuna at iba pa.

Aminado naman ang mambabatas na mayroon pa ring mga guro na ‘hesitant’ sa bakuna dahil ang iba ay namimili rin umano ng brand ng bakuna na gusto nilang matanggap.

Sa kaniyang pagtaya, umaabot pa lamang sa 60% ang bakunado na mga guro sa bansa.

Hindi naman ito pabor sa mandatory vaccination dahil aniya labag ito sa konstitusyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden