Active COVID case sa Pinas bumaba sa 25,733; 33 pa patay

Active COVID case sa Pinas bumaba sa 25,733; 33 pa patay

October 6, 2022 @ 7:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagtala ng 1,764 bagong impeksyon sa COVID-19 sa bansa habang ang bilang ng aktibong impeksyon ay bumaba sa 25,733.

Ito ang ikatlong araw na sunod-sunod na wala pang 2,000 bagong impeksyon na naitala.

Bumaba ng 1,059 ang aktibong kaso mula sa 26,792 noong Martes, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).

Sinabi ng DOH na ang mga bagong kaso ay nagtulak din sa nationwide caseload sa 3,958,786.

Ang nangungunang rehiyon na may pinakamaraming impeksyon sa nakalipas na dalawang linggo ay ang National Capital Region (NCR) na may 13,756 na kaso, sinundan ng Calabarzon na may 5,717, Central Luzon na may 2,896, Davao Region na may 1,412, at Soccsksargen na may 729.

Sinabi ng DOH na hindi bababa sa 2,700 bagong recoveries ang naiulat kung saan umabot ang recovery tally ng bansa sa 3,869,942.

Samantala, umabot na sa 63,111 ang nasawi dahil sa karagdagang 33 na bagong nasawi.

Ang nationwide bed occupancy ay nasa 25.4%, dahil ang bilang ng mga bed occupancy ay 7,316, at hindi bababa sa 21,469 ang bakante noong Lunes, Oktubre 3.

Sinabi ng DOH na hindi bababa sa 17,696 na indibidwal ang nasuri, habang 336 na testing laboratories ang nagsumite ng data noong Martes, Oktubre 4. Jocelyn Tabangcura-Domenden