Active COVID cases sa Pinas, 27,643 na!

Active COVID cases sa Pinas, 27,643 na!

July 27, 2022 @ 7:39 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Pilipinas ng 2,360 bagong impeksyon sa COVID-19 nitong Martes, dahilan para umabot sa 3,757,762 ang kabuuang kasong naitatala sa bansa, ayon sa Department of Health.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, umakyat din ang active case tally sa 27,643 mula sa 27,625 noong Lunes.

Sa nakalipas na dalawang linggo, nakapagtala ang National Capital Region (NCR) ng 12,782 kaso, sinundan ng Calabarzon na may 8,165, Central Luzon na may 3,671, Western Visayas na may 2,498, at Central Visayas na may 1,438.

Sinabi ng DOH na 2,341 bagong pasyente ang naka-recover kaya umabot na sa 3,669,425 ang recovery tally ng bansa.

Walang naitala na bagong pagkamatay at nanatili sa 60,694 ang bilang ng nasawi.

Hindi bababa sa 7,172 na kama ang okupado, habang 21,980 pa ang bakante dahil ang bed occupancy sa bansa ay nasa 24.6% noong Hulyo 24.

May kabuuang 20,896 na indibidwal ang nasuri, habang 330 testing labs ang nagsumite ng data noong Hulyo 25, ayon sa DOH.

Nagbabala ang DOH noong Martes na ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ay maaaring umabot sa 19,000 kada araw sa katapusan ng Agosto. RNT