Active COVID cases sa Pinas dodoble pa sa Pebrero – DOH

Active COVID cases sa Pinas dodoble pa sa Pebrero – DOH

January 15, 2022 @ 3:00 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Posibleng dumoble pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region sa ikalawang linggo ng Pebrero, ayon sa Department of Health, Sabado.

Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na ang pagsipa ng kaso sa rehiyon ay hindi inaasahan na mag-peak hanggang katapusan ng buwan o hanggang sa ikalawang linggo pa ng Pebrero.

Hanggang nitong Sabado, Enero 15 ang aktibong kaso sa NCR ay nanatili sa 149,000.

Sa huling datos sa COVID-19 tracker ng DOH, nitong Enero 14, ay nagpapakita na ang aktibong kaso sa Metro Manila ay may kabuuang 147,459.

Dagdag pa ng opisyal, may average na 17,124 kada araw ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa NCR na mas mabilis kumapara noong nakaraang linggo na 6,500 kaso lamang kada araw.

Gayunpaman, ang oras ng pagdodoble ng kaso ay bumabagal sa NCR mula 2.2 araw hanggang apat na araw.

Ang Pilipinas ay inuri bilang isang critical risk para sa coronavirus sa gitna ng biglaang pagdami ng mga impeksyon na pinaniniwalaang dala ng variant ng Omicron,ayon sa naunang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque. Jocelyn Tabangcura-Domenden