Actress-politician Angelika Dela Cruz nakatanggap ng death threat

Actress-politician Angelika Dela Cruz nakatanggap ng death threat

June 8, 2022 @ 5:05 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay ang actress politician na si Angelika dela Cruz mahigit isang linggo matapos mapatay ng hindi pa rin nakikilalang riding-in-tandem ang barangay chairman ng Barangay Tonsuya sa Malabon City.

Ibinahagi ni Dela Cruz, kapitan ng Barangay Longos sa Malabon, sa social media ang larawan ng sulat at apat na bala ng baril na ipinadala sa kanya.

Nakasaad sa sulat na apat pa umanong barangay opisyal, kabilang siya, ang susunod na target.

“Napaka dumi po talaga ng politika sa ating bansa .. yan po ang sulat at bala na pinadala sa XO ng aming Barangay na nagsasabi na may 4 daw na susunod at kaya may umiikot na di kilala sa bahay naming mag kapatid. grabe naman kayo kung sino man kayo na gumagawa nito sa amin,” pahayag niya sa kanyang post.

Noong nakaraang May 28, 2022, pinagbabaril ng riding-in-tandem criminals si Felimon Villanueva, 68, barangay chairman ng Brgy. Tonsuya habang nakaupo sa harap ng kanyang bahay sa No. 1 C. Perez Street.

Isinugod siya sa Manila Central University (MCU) Hospital sa Caloocan subalit, namatay din ito habang ginagamot sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Matatandaan na noong October 2013, habang nagsasagwa ng house-to-house campaign si Dela Cruz na noo’y tumatakbong barangay captain ng Barangay Longos, ay isang lalaki na may hawak na patalim ang biglang sumalakay sa kanya.

Hinila siya ng kanyang mga bodyguard na ibinigay sa kanya ng asawa niya saka pinayuko siya para masigurong ligtas siya.

Si Dela Cruz, na ang tunay na pangalan ay Maria Lourdes Egger dela Cruz-Casareo ay pumasok sa pulitika noong 2013 barangay election nang tumakbong barangay captain ng Barangay Longos at nanalo.

Ang kanyang nakababatang kapatid na si Edward Dela Cruz, isang elected City Councilor, ay namatay mahigit 12 taon na ang nakalilipas sa isang vehicular accident sa San Simon, Pampanga. Boysan Buenaventura