Acute gastroenteritis, cholera outbreak, idineklara sa Iloilo City

Acute gastroenteritis, cholera outbreak, idineklara sa Iloilo City

August 31, 2022 @ 3:06 PM 1 month ago


ILOILO CITY –Nakaamba ang pagdeklara ng ‘state of calamity’ sa Iloilo City dahil sa acute gastroenteritis, cholera outbreak sa nasabing lungsod.

Ayon kay Mayor Jerry P. Treñas, hiniling na niya sa Iloilo City Council na magkaroon ng special session bukas September 1 para apbrubahan ang pagdeklara ng state of calamity para sa paglabas ng calamity fund ng lokal na pamahalaan at matugunan ang pagtaas ng kaso ng nasabing sakit.

Ayon kay Dr. Annabelle Tang, acting Iloilo City Health Office (ICHO) chief, nitong Agosto 28, 2022 nakapagtala sila ng 90 kaso ng acute gastroenteritis apat sa mga ito ay nasawi habang ang iba ay cholera.

Sinabi pa ni Tang, na ngayon ay mayroon silang 18 pasyente sa ospital na may sakit na acute gastroenteritis habang sa Tanza District Health Center naman ay mayroon 35 na kaso.

Aniya, kadalasan sintomas nito ay ang pagtatae, matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka, lagnat, at pananakit ng katawan.

Hinimok naman ni Tang ang publiko na pakuluan muna nila ang kanilang iniinom na tubig sa loob ng 2-minuto para patayin ang ‘pathogenic organisms.’

Ilan sa mga barangay ang mga apektado ay ang mga sumusunod: Rizal Estanzuela, City Proper na may mayroon 16 na kaso ng acute gastroenteritis, Rizal Pala-Pala II, City Proper, na may 12 kaso, Zamora Melliza, City Proper, 9; Hibao-an Norte, Mandurriao, 6 at Ingore, La Paz , na may 5 kaso. Mary Anne Sapico