Acute Psychiatric Unit pinasinayaan ng DOH

Acute Psychiatric Unit pinasinayaan ng DOH

October 7, 2020 @ 5:29 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Bilang pagdiriwang ng National Mental Health Week, pinasinayaan ng Department of Health (DOH) – CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang Acute Psychiatric Unit (APU) sa Batangas Medical Center.

Sinabi ni Regional Director Eduardo C. Janairo na layunin ng acute psychiatric inpatient care ay upang mapanatiling ligtas ang mga pasyente, masuri at matignan ang kanilang problema, gamutin ang kanilang sakit sa pag-iisip, matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pangangalaga at magbigay ng pisikal na pangangalaga sa kalusugan sa loob ng ilang mga araw.

“Most persons with mental disorders don’t seek medical help. Kaya napakaimportante na malaman ang mga palatandaan upang mabigyan agad sila ng pangunahing lunas. Kadalasan sa ating pamilya o kamag-anak ay nagkakaroon tayo ng pakiramdam na “parang may hindi tama” sa kanilang pag-uugali at pag-iisip, we must be able to recognize these signs before it comes full blown,” paliwanag ni Janairo.

“Mental health must begin in childhood. Dapat pangalagaan natin ang ating mga anak. They must grow up with the feeling of safety and security and protected from any harm,” dagdag pa nito.

Ilan sa mga karaniwang mental disorders o problema sa pag-iisip na ginagamot sa APU ay schizophrenia, bipolar disorder, depressive disorder at other psychotic disorders.

Ayon naman kay Dr. Anne Marie Pineda, Chief of the Psychiatry Department ng  Batangas Medical Center (BatMC), ang acute psychiatric inpatient hospitalization ay isang mataas na antas ng pangangalaga na inilaan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga indibidwal na nagpapakita ng mga palatandaan ng emosyon at pag-uugali na nagbigay sa kanila ng panganib na makapanakit ng sarili o nang ibang tao.

Naisakatuparan naman ang pagtatayo sa gusali nang APU sa pamamagitan ng DOH facility Enhancement Program (HFEP).

Ang pagbubukas ng APU ay makukumpleto rin sa patuloy na pagsisikap ng programa sa kalusugan ng kaisipan ng regional office upang maabot ang mga taong may karamdama sa pag-iisip sa pamamagitan ng “Kapit-Bisig Helpline.”

Maaari namang bumisita sa https://www.facebook.com/kapit.bisig.helpline para sa mental health concerns at tulong  mula 10AM hanggang  12NN at 1PM hanggang 3PM tuwing Martes at Huwebes.

“The establishment of the APU in CALABARZON is the realization of DOH’s vision for BatMC to be a Psychiatric Center in the region,” pagmamalaki pa ni Janairo. Jocelyn Tabangcura-Domenden