Adamson stude hazing slay patututukan ni Abalos

Adamson stude hazing slay patututukan ni Abalos

March 1, 2023 @ 1:13 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos nitong Miyerkules, Marso 1 ang imbestigasyon sa pagkamatay ng estudyante na natagpuan kamakailan ang bangkay na nakabaon sa Imus, Cavite.

“Papaimbestigahan kaagad natin ‘to at aalamin kung ano ang mga circumstances dito. Any forms of violence na ganto ang nangyayari, namamatay, dapat paimbestigahan natid kaagad ito,” pagbabahagi ni Abalos sa mga mamamahayag.

Nitong Martes, Pebrero 28, natagpuan ang bangkay ni John Matthew Salilig, estudyante ng Adamson University sa Maynila na napaulat na nawawala mahigit isang linggo na ang nakalilipas.

Sinabi ng Biñan police na mismong ang mga suspek na kanilang inimbitahan sa imbestigasyon ang nagturo kung saan inilibing si Salilig.

Sa paunang imbestigasyon, nakakitaan ng senyales ng hazing ang katawan ng biktima, ayon kay Biñan Police acting chief Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia.

“Maliban sa statement ng ating mga witness, nakitaan natin ng mga pasa ang biktima sa kanyang binti ,” ani Jopia.

Sa kabila nito, naghihintay pa rin ng resulta ng autopsy examination ang pulisya.

Mayroong 15 persons of interest ang kasalukuyang iniimbestigahan, kung saan pito sa mga ito ay sumali sa initiation rites ng Tau Gamma Phi para kay Salilig. RNT/JGC