Adamson student patay sa hazing

Adamson student patay sa hazing

March 1, 2023 @ 7:17 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Natagpuan nang bangkay ang chemical engineering student na nauna nang naiulat na nawawala.

Pinaniniwalaang biktima ng hazing si John Matthew Salilig kung saan natagpuan ang kanyang bangkya sa isang bakanteng lote sa Cavite matapos ang mahigit isang linggong pagkawala.

Isa sa mga suspek ang nagbunyag sa mga awtoridad ng lokasyon ng biktima.

Si John Matthew, isang chemical engineering student mula sa Adamson University, ay iniulat na nawawala noong Pebrero 20 ng kanyang kapatid na si John Michael.

Sinabi ni John Michael na Pebrero 17 nang sabihin sa kanya ng kanyang nakababatang kapatid na dadalo siya sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi fraternity group sa Laguna.

Bilang miyembro ng grupo, sinabi ni John Michael na pinayagan niya ang kanyang kapatid na dumalo sa aktibidad, na sinabi niyang labis niyang pinagsisisihan.

Inamin naman ng isa sa mga suspek sa mga awtoridad na nakatanggap ang biktima ng hindi bababa sa 70 hit sa initiation rites.

Matapos ang aktibidad, binawian umano ng buhay si John Matthew habang sakay ng sasakyan.

Sinabi ng Adamson University na magsasagawa ito ng sariling imbestigasyon sa kaso.

Samantala, kinondena naman ng Tau Gamma Phi ang karahasan.

Nanawagan din ng hustisya ang pamilya ng biktima.

“Ang mensahe lang po doon sa taga-Adamson, mga authority doon, at mga officers, sana this will come to an end, itong klaseng gawain ng mga ganitong fraternities like the Tau Gamma, and hopefully matulungan nila kami because yung mga anak namin [ is] the victim, kami ang biktima dito,” anang pamilya.

“Hopefully there will be justice and itong mga tao na ito na may responsibility sa pagkamatay ng anak namin, the school can help us do something.”

Isasailalim sa autopsy at forensic examination ang bangkay ni John Matthew. RNT