Adjusted number coding scheme sa pagbabalik-eskwela, pag-aaralan ng MMDA

Adjusted number coding scheme sa pagbabalik-eskwela, pag-aaralan ng MMDA

July 13, 2022 @ 5:42 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang posibleng pag-a-adjust ng vehicular number coding scheme sa gitna ng pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MMDA officer-in-charge Director Baltazar Melgar na magmi-meeting sila kasama ang Metro Manila Council para talakayin ang mga hakbang sakaling tumaas ang volume ng mga sasakyan.

“Siguro, pag-aaralan natin yan kasi sa ngayon ang number coding natin ay ini-implement lang natin ng rush hour. Titingnan natin kapag talagang dumarami na ang sasakyan, yun nga balik eskwela tayo, ay pag-aaralan po namin. Idi-discuss namin sa Metro Manila Council meeting,” ani Melgar.

Ayon pa kay Melgar, nakikipag-ugnayan na rin sa MMDA ang ilang mga eskwelahan para sa pagsasaayos ng mga pedestrian marking at misting sa mga campus bilang paghahanda sa pasukan.

Patuloy din aniya ang gagawing clearing operations ng MMDA gayundin ang pagde-deploy ng traffic enforcers para maibsan ang vehicular traffic congestion sa capital region.

Samantala, natapos na rin ng MMDA ang mga na-delay na flood control projects nito na sinita ng Commission on Audit (COA) noong 2021.

Nabatid na hindi natapos ang mga proyektong ito ng MMDA dahil sa ilang factors kabilang na ang COVID-19 pandemic. RNT/ JCM