Adjustment sa pasahe posible kapag bumaba ang presyo ng produktong petrolyo – Malacañang

Adjustment sa pasahe posible kapag bumaba ang presyo ng produktong petrolyo – Malacañang

July 5, 2018 @ 4:22 PM 5 years ago


Manila, Philippines- Tiniyak ng Malakanyang na magkakaroon ng kaukulang adjustment sa pasahe kapag bumaba ang presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na inaprubahan lang naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pisong provisional increase sa minimum fare sa jeep sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Luzon dahil nga sa mataas na presyo ng langis.

“So it’s a result of the increased in the price of petroleum but we assure you, if the price of petroleum goes down, there will be a corresponding adjustments as well,” ani Sec. Roque.

Ang magandang balita pa aniya ay importasyon ng Russian diesel ay nagpapatuloy.

Ang problema aniya ay walang sapat na depot ang bansa.

Naniniwala naman siya na hinihikayat ng pamahalaan ang pribadong sektor na magtayo ng depot dahil nakatuon ang pansin ng gobyerno sa energy security.

Sa ulat, aprubado na ng LTFRB ang pisong provisional increase sa minimum fare sa jeep sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Luzon.

Simula bukas ay magiging 9 pesos na ang pasahe sa unang apat na kilometrong biyahe ng jeep sa mga nasabing rehiyon mula sa kasalukuyang 8 pesos.

Gayunman, nilinaw ni LTFRB Board Member, Atty. Aileen Lizada na kailangan munang ilabas ang official written order bago tuluyang ipatupad ang pansamantalang dagdag singil.

Sa pulong kahapon, dalawang pisong increase ang hirit ng mga transport group dahil malaking kabawasan umano sa kanilang kita ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.

Maliban sa mga jeepney driver, humihirit din ng dagdag-pasahe ang iba pang pampublikong sasakyan tulad ng taxi at UV Express. (Kris Jose)