Admin function ng attached agencies, nilimitahan ng DOTr

Admin function ng attached agencies, nilimitahan ng DOTr

March 10, 2023 @ 7:14 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nilimitahan na ang awtoridad ng ilang attached agencies ng Department of Transportation (DOTr) matapos alisin sa kanila ang mga tungkulin ng pang-administratibo at pampinansyal na pagpapasya.

Sa Department Order No. 2023-007, na may petsang Pebrero 28, na may pamagat na “Delegation and Delineation of Authorities in the DOTr Central Office and its Sectoral Project Management Offices (PMOs),” tinukoy ng DOTr ang saklaw at mga limitasyon sa lahat ng usaping pang-administratibo, gayundin ang mga proseso ng pagkuha para sa mga programa, aktibidad, at proyekto; disbursement at pondo sa ilalim ng General Appropriations Act; at pag-apruba ng iba pang usapin tungkol sa nasabing mga tanggapan.

Nililimitahan sa nasabing kautusan ang administrative, procurement, at disbursement authorities ng kanilang attached agencies tulad ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), DOTr Regional Offices sa Cordillera Autonomous Region (CAR) at CARAGA, Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Philippine Railways Institute (PRI).

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang nasabing kautusan ay may kinalaman sa internal matters ng DOTr.

Aniya, sinusuri nila ang mga polisiya at pamamaraan para ipatupad ang mga kasanayan sa mabuting pamamahala, na may katiyakan na walang mga pagkaantala sa paghahatid ng mga serbisyo sa publiko.

Nililimitahan din ng Department order ang mga administrative functions ng attached agencies ng DOTr para aprubahan ang mga job order at contract service workers gayundin ang mga appointment at/o kontrata, renewal notice of termination, approval of expiration of contracts, acceptance of resignations.

Ang mga tungkuling ito ay inilipat sa Central Office, partikular sa Undersecretary for Administration and Finance.

Itinalaga ang Undersecretary for Administration and Finance bilang “approving authority” para sa mga bagay na pang-administratibo sa mga attached agencies tulad ng mga kahilingan na magbigay ng overtime pay ng mga empleyado, aplikasyon para sa leave, terminal leave, office clearance, pagbibigay ng travel authority, nominasyon sa mga local at foreign scholarship, pagtatalaga ng sasakyan, at ibang bagay. Jocelyn Tabangcura-Domenden