Administrasyon ng Sinovac COVID vax sa edad 6-17, oks na sa DOH

Administrasyon ng Sinovac COVID vax sa edad 6-17, oks na sa DOH

October 18, 2022 @ 6:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Aprubado na ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng Sinovac Coronavac anti-COVID vaccine para sa mga bata na edad 6 hanggang 17.

Sa rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC), sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergerie na ang Sinovac vaccine ay maaari nang gamitin para sa pagbibigay ng pangunahing serye ng bakuna para sa nasabing pangkat ng edad.

Ito umano ay isang alternatibo para sa mga bakunang mRNA na kasalukuyang magagamit sa bansa.

“Ang mga tagubilin hinggil sa pag-apruba nito ay na-issue na natin kahapon through a Department memorandum at maaari na po itong umpisahan ang implementasyon,” saad ni Vergeire sa press briefing.

Maaalala na inaprubahan noong Mayo ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Moderna para sa mga batang edad 6-11 taong gulang.

Ang EUA para sa Pfizer COVID-19 vaccine para sa edad na 5 hanggang 11 taong gulang, sa kabilang banda, ay inaprubahan ng Philippine FDA noong Disyembre 2021.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, mayroong 10 milyong kabataan at halos 5.2 milyong bata ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19.

Kabuuang 73.4 milyong Pilipino na ang nakakumpleto ng kanilang pangunahing serye ng bakuna.

Sa naturang bilang, 20.3 milyon ang nakatanggap ng kanilang first dose habang higit sa 3.2 milyon ang nakatanggap na ng kanilang second booster dose. Jocelyn Tabangcura-Domenden