Administrasyong Duterte, ginawa ang lahat para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa WPS

Administrasyong Duterte, ginawa ang lahat para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa WPS

July 13, 2021 @ 2:18 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Ginawa umano lahat ng administrasyong Duterte ang makakaya nito para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-limang taong anibersaryo ng historic arbitral ruling sa The Hague, Netherlands na nagpapatibay sa territorial claims ng Pilipinas na covered ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa laban sa Tsina.

“We have done all that we could, given the absence po of an enforcement mechanism under international law,” ayon kay Sec.Roque sa idinaos na San Juan City Population 1100% Vaccinated na isinagawa sa 2nd Floor, Centel Mall, Greenhills Shopping Center, araw ng Lunes.

Ani Sec. Roque, pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang 2016 PCA verdict laban sa expansive maritime claims ng China sa South China Sea sa idinaos na 75th Session of the United Nations General Assembly (UNGA) sa New York noong Setyembre 23, 2020.

“Dahil wala pong pulis na magpapatupad niyan, ginawa na po ng gobyerno ang lahat ng hakbang para nga po magkaroon ng buhay iyang desisyon na iyan kasama na po iyong pagtatalumpati ng Presidente sa ating UN General Assembly na sinabi niya na kabahagi na po ng international law ang arbitral decision na iyan ,” aniya pa rin.

Kinilala naman ni Sec. Roque ang kahalagahan ng paggunita ang arbitral win ng bansa na sakop ng maritime territory.

“Bagama’t dapat talagang ipagdiwang iyang panalo nating iyan, tuloy pa rin po ang pinag-aagawang teritoryo dahil ang naapektuhan lang po ng desisyon ay iyong isyu na related sa karagatan ,” anito.

At dahil hindi pa nareresolba ang sea dispute, binigyang diin ni Sec. Roque ang importansiya na itaguyod ang “close trade and investment relations” sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

“Patuloy pa rin po ang pag-aagawan ng teritoryo, at ang importante po ay habang hindi nareresolba itong pinag-aagawang teritoryo ay isantabi po muna iyan at isulong ang pupuwedeng mga isulong sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan ,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Matatandaang, sa naging talumpati naman ni Pangulong Duterte sa UNGA, sinabi ng Chief Executive na ang ruling ay “now part of international law, beyond compromise and beyond the reach of passing governments to dilute, diminish, or abandon.”

Aniya pa, tinanggihan ng kanyang administrasyon ang pagtatangla na “i-undermine” ang sea ruling na pumabor sa Pilipinas. Kris Jose