Advance party ng US sa Balikatan 2023, darating bukas, Marso 20

Advance party ng US sa Balikatan 2023, darating bukas, Marso 20

March 19, 2023 @ 11:41 AM 2 days ago


MANILA, Philippines – Inaasahang darating bukas, Marso 20, ang advance party ng United States Armed Forces na lalahok sa 2023 “Balikatan” exercises sa susunod na buwan.

Ayon kay Col. Medel Aguilar, spokesperson ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nitong Sabado, Marso 18, sinabi niya na ang mga ito ay tutulong sa iba’t ibang humanitarian civic assistance programs bago ang pagsisimula ng taunang military exercises sa Abril 11.

“Ito po ay mga construction of facilities at saka mga cooperative health engagements, community relations programs na isasagawa po ng AFP at saka ng US Armed Forces bilaterally sa iba-ibang lugar sa buong Pilipinas,” ani Aguilar sa isang media forum.

Mahihigt 17,000 personnel mula sa Pilipinas at US ang makikilahok sa Balikatan ngayong taon.

Ikakasa ang aktibidad mula Abril 11 hanggang 28 sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Palawan, Batanes, at Zambales.

Kinumpirma na rin ng AFP at Australian Embassy na magkakaroon din ng 100 miyembro ng Australian Defence Force ang magiging active participants.

“Australia is proud to return as an active participant in Exercise Balikatan 2023. This is a significant activity that offers the opportunity for the Australian Defence Force to continue to work closely with our partners, particularly the Philippines and the US,” pahayag ng Australian Embassy in Manila.

“In 2023, Australian participation will be our strongest yet — with approximately 100 personnel from conventional and special forces participating in multiple scenarios throughout the Philippines, this includes field training and live fire activities.”

Samantala, magpapadala rin ng observers ang bansang Japan.

Kasalukuyang pinag-uusapan ng Japan at Manila ang panukalang pagtatatag ng Reciprocal Access Agreement (RAA) o Status of Forces Agreement na magbibigay ng pagkakataon para sa karagdagang mga pagsasanay sa pagitan ng dalawang bansa. RNT/JGC