Advance payment sa honoraria ng mga guro, bawal – Comelec

Advance payment sa honoraria ng mga guro, bawal – Comelec

March 13, 2023 @ 7:04 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi pwedeng bayaran in advance ang honoraria ng mga gurong nagbibigay ng kanilang serbisyo sa panahon ng halalan, sinabi ng Commission on Elections (Comelec).

Sa kabila nito, ang poll body ay naghahanap ng iba pang paraan upang matulungan sila sa kanilang mga gastusin.

Ginawa ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco ang pahayag bilang tugon sa apela ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa Comelec na bayaran ng mas maaga ang honoraria ng mga guro.

Paliwanag ni Laudiangco sa public briefing, ang honoraria, bayad o sahod ng mga guro ay ibinibigay pagkatapos ng kanilang serbisyo.

“Wala kasi tayong advance payment pagdating sa pamahalaan—be it goods or services po. Mahigpit po ang pagbabawal diyan,” sabi ni Laudiangco.

Sinabi ni Laudiangco na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Budget and Management (DBM), Commission on Audit (COA), at Department of Finance (DOF) upang tingnan ang mga posibleng legal na paraan na maaaring mabayaran nang maaga ang mga guro.

“Tinitingnan namin, maaari bang transportation allowance ang ibigay? Dahil dito kinukunsulta po namin ang COA, ang DBM, pati na rin po ang ating DOF kung maaari, legal ba, at pwede nating gawin ito,” saad ni Laudiangco.

“Baka naman, sa amin lang Comelec, from the Department of Education, mauna ‘yung bayad sa mga teachers bago ang election. Of course, bumabiyahe sila, kumakain sila, and may gastusin din sila during the days na they are serving our country as part of the Boards,” hirit ni Duterte sa ginanap na 2023 National Election Summit noong nakaraang linggo. Jocelyn Tabangcura-Domenden