Advincula nakiramay sa pamilya ng 5 namatay na rescuers

Advincula nakiramay sa pamilya ng 5 namatay na rescuers

September 28, 2022 @ 3:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakiramay ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pamilya ng limang rescuer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office – Bulacan na nasawi sa flash floods dahil sa bagyong Karding sa San Miguel, Bulacan.

Kinilala ang mga rescuers na sina George Agustin, Troy Justin P. Agustin, Marby A. Bartolome, Jerson L. Resurreccion at Narciso Calayag Jr. upang sagipin ang mga binahang residente.

Inalala rin ng Arsobispo ang mga nawalan ng kabuhayan lalo na ang mga magsasaka na pinakalabis na apektado tuwing may malalakas na bagyo dahil sa malawakang pagbaha na sumisira sa mga pananim.

“Nananalangin tayo para sa lahat ng mga nasalanta, nasaktan, binawian ng buhay at nawalan ng kabuhayan. Nakikiramay tayo sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.

Dalangin ni Cardinal Advincula na sa tulong ng Panginoon ay magkaroon ng matatag na kalooban at malalim na pananampalataya ang mga biktima ng sakuna upang harapin ang pagsubok na dulot ng bagyo.

Apela ng opisyal sa mamamayan ang pangangalaga sa kalikasan upang mapigilan ang climate change na nagdudulot ng pinsala dulot ng iba’t ibang uri ng kalamidad.

“Ang mga kalamidad na ganito ay nagpapaalala sa atin ng ating tungkulin na ingatan at pangalagaan ang kalikasan na binigay sa atin ng Panginoon. Sa ating pag-aalaga sa kalikasan, tayo din naman ang nakikinabang,” giit ni Cardinal Advincula.

Samantala, kinilala ng NASSA Caritas Philippines ang kabayanihan ng limang volunteer rescuers ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na nasawi matapos malunod sa baha habang nagsasagawa ng rescue operation sa Brgy. Camias, San Miguel, Bulacan.

Kasabay nito ay nagpaabot din ang Social Arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng pakikiramay sa naiwang pamilya ng mga nasawi.

“We are extremely saddened by the tragic death of these rescuers who risked their lives to assist others in the midst of a catastrophe. They are the epitome of bravery and selflessness. We salute their courage and unwavering dedication to public service. We pray for the repose of their souls and extend our condolences to their families,” mensahe at pakikiramay ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – Caritas Philippines National Director. Jocelyn Tabangcura-Domenden