Aerial bombing ng AFP sa Panay kinondena ng Bayan Muna

Aerial bombing ng AFP sa Panay kinondena ng Bayan Muna

December 6, 2021 @ 7:21 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Kinondena ng Bayan Muna ang aerial bombing na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines sa Miag-ao, Iloilo na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa walong katao.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, labag umano sa International Humanitarian Law ang naturang aerial bombing.

“Nakakakilabot ang ginawang pambobomba ng militar sa komunidad ng Miag-ao, Iloilo noong umaga ng Disyembre 1. Ang mga aerial bombings ay labag sa International Humanitarian Law at ayon sa ulat ay nag-iwan ito ng crater na may lalim na 15 feet at may 20 feet na lapad at ang isa ay may lalim na 3 feet na may 10 feet na lapad,” ani Cullamat.

Dagdag pa niya, maliban sa pagkasira ng kabuhayan at sakahan ng mga apektadong residente, nagdulot rin umano ito ng matinding trauma sa ilang residente ng Miag-ao.

“Malaki ang epekto nitong ginawa ng AFP sa kabuhayan, sakahan at lalo na kapanatagan ng isip ng mga tao. Lilikha ito ng matinding trauma at hindi basta’t mabubura sa mga isipan sapagkat terror ang iniwan nila sa mga taga-Miag-ao.”

Dahil dito ay nangangailangan umano ito ng agarang independent investigation sa Kamara.

“Hustisya ang kailangan ng mga komunidad at biktima ng karumal-dumal na bombing. Palayasin ang militar sa kanayunan,” pagdidiin pa ni Cullamat. RNT