AFP i-exempt sa SOGIE – DND

AFP i-exempt sa SOGIE – DND

February 23, 2023 @ 11:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – NAIS ng Department of National Defense na ma-exempt ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa implementasyon ng sexual orientation and gender identity expression (SOGIE) sa oras na maging ganap na batas na ito.

Nagpahayag ng pagkabahala si Atty. Arjay Lim, pinuno ng DND Legislative Division, na ang kahulugan ng diskriminasyon sa ilalim ng nakabinbin na SOGIE equality bills ay “too broad” at maaaring makaapekto sa polisiya ng militar.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Women and Gender Equality ukol sa SOGIE equality bills, sinabi ni Lim na habang ang DND at AFP ay walang pinaiiral na diskriminasyon laban sa mga aplikante sa military service, ang mga kuwalipikasyon at katangian at pamantayan ay dapat lamang na sinusunod sa pagpili ng sundalo.

Winika pa ni Lim na ang SOGIE equality bills ay maaaring mayroong “unnecessary effects on the actual enlistment process,” gaya ng alokasyon ng quota para sa partikular na grupo.

Tinukoy nito ang SOGIE equality bill na inihain ni Bataan Rep. Geraldine Roman bilang halimbawa ng discriminatory practice.

“Section 5 of House Bill 222 states the inclusion of one’s sexual orientation, gender identity and expression, and sex characteristics (SOGIESC) and its disclosure in the criteria for hiring, promotion, transfer, designation, work assignment, reassignment, and dismissal of workers, among others,” ani Lim.

“We respectfully request that the Armed Forces of the Philippines, the establishment responsible for upholding the sovereignty and defending the territory of the Republic of the Philippines, be given an exemption to its application,” aniya pa rin.

“We find that the discriminatory practices as defined in the pending bills, particularly in entering military service, wherein members of the LGBTQIA+ should have access to military service, are deemed unnecessary,” dagdag na pahayag ni Lim.

Para naman kay Roman, chairperson ng House panel na tumalakay sa SOGIE equality bills, ang batas ay hindi naglalayong makialam o palitan ang recruitment practices sa military.

“The observance of a factor that’s relevant to the nature of a certain job cannot be considered discriminatory,” ani Roman.

Sa katunayan ani Roman, siya ang kauna-unahang transgender military officer at reservist ng AFP, na may ranggo na lieutenant colonel.

Gayunman, sinabi ni Lim na ang “definition of discrimination is kind of broad. That’s why we’re apprehensive about it, that it might amend our policies.”

Tinuran naman ni Roman na ikokonsidera ng House panel ang alalahanin ng military sa talakayan sa SOGIE equality bills.

Ang hiling naman ni Roman kay Lim ay magsumite ng konkretong suhestiyon sa kung paano tutugunan ang pangamba ng DND at AFP sa legislative measures. RNT