AFP, PNP AT NPA: GIVE PEACE A CHANCE

AFP, PNP AT NPA: GIVE PEACE A CHANCE

December 21, 2022 @ 1:30 PM 1 month ago


GUSTO ng pamahalaan na magkaroon ng tigil-putukan sa pagitan ng mga pwersa nito at ng New Peope’s Army ngayong buong Kapaskuhan.

Subalit, habang tinitipa natin ito, nanatili ang pahayag ng NPA na hindi ito magdedeklara ng tigil-putukan.

Isang tanong lang siguro: Dahil ba sa pagkamatay ni Joma Sison na founder ng Communist Party of the Philippines na itinatag noong Disyembre 26, 1968 at sinundan ito ng pagtatatag ng NPA noong Marso 29, 1969?

O bahagi ito ng pangkalahatang programa ng mga rebeldeng komunista na tuloy-tuloy na armadong pakikibaka?

Bigla nating naalaala, mga brad, ang isang alituntunin sa pakikipaglaban o pagrerebolusyon.

‘Yung pag-atras kahit minsan o madalas kung kinakailangan.

At pagsulong naman kung kinakailangan din.

Itong salitang “kailangan” ay maaaring nauugnay sa kapakanan ng mga rebelde mismo o kaya’y mga mamamayan na kanilang itinuturing na batayan ng rebolusyon o kanilang mga kaaway.

Mula rito, hindi kaya “kailangan” ng mga mamamayan ang pahinga at mapayapang Kapaskuhan, kasama na ang darating na Bagong Taon?

Sa mga panahon kasi na may posibilidad ng kahit “usapang pangkapayapaan”, isa sa mga magagandang sangkap dito ang pagpapairal ng tigil-putukan sa mga piling araw ng Kapaskuhan.

Maaaring joint o unilateral ang pagdedeklara ng ceasefire.

Ngayon nga ay unang taon na magkakaroon ng masayang pagtitipon ang maraming tao dahil ngayon lang may pagkakataon mula nang salakayin tayo ng pandemya na sanhi ng paghihiwalay ng lahat ng tao, hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang mga bansa.

Parang hindi magandang danasin ang mga patayan sa mga araw na ito na dapat masaya at malayang magdiwang ng Kapaskuhan ang lahat.

Kayong mga sundalo at pulis at NPA, maaari bang bigyan natin ang mga mamamayan ng kahit papaano’y mapayapang Kapaskuhan?