AFP walang paglabag sa human rights – Arevalo; PNP-AFP makatitindig kahit walang ayuda ng US – Año

AFP walang paglabag sa human rights – Arevalo; PNP-AFP makatitindig kahit walang ayuda ng US – Año

September 24, 2020 @ 7:30 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Habang naninindigan ang Armed Forces of the Philippines sa pagsasabing hindi makatarungan ang bintang ng isang mambabatas na Amerikano na sangkot ang AFP at Philippine National Police sa paglabag sa karapatang pantao, inihayag naman ni Interior Secretary Eduardo Año na makatitindig sa sariling paa ang AFP at PNP kahit walang ayuda mula sa Amerika.

Tugon ang nasabing mga paninindigan at pahayag sa panukala ng mambabatas sa Kongreso ng United States na alisin ng pamahalaang US ang ayuda nito sa pulisya at militar ng Pilipinas dahil sa paglabag ng mga ito sa karapatang-pantao.

Sinabi ni AFP Spokesman Major General Edgard Arevalo na hindi makatarungan ang bintang sabay sabing walang anomang paglabag sa karapatang-pantao ang militar.

Kung mayroon mang paglabag, nakahanda ang AFP na tumanggap ng mga reklamo at magsampa ng kaso sa mga suspek.

Hindi umanong mangingiming isalang ng AFP sa court martial at parusahan ang mga sundalo kung may ebidensya ang mga biktima laban sa mga ito.

Gayunman, nilinaw ni Arevalo na nasa kamay ng Kongreso ng US ang desisyon at hindi pupwedeng makialam ang AFP dito.

Sinabi rin ni Arevalo na ang mga naninira sa AFP ang mismong may malalang krimen laban sa karapatang-pantao gaya ng NPA na pumatay mismo sa Inopacan, Leyte sa daan-daang sarili nilang kasama at mamamayan na inakusahan nilang espiya ng pamahalaan.

May mga kaso na umanong nakasampa laban sa mga sangkot sa Inopacan massacre.

Samantala, iginiit naman ni Año na ang usapin sa tulong militar ng ibang bansa sa Pilipinas ay sakop ng Pangulo ng Pilipinas at Department of Foreign Affairs.

Subalit idiniin nitong makatitindig sa sariling paa ang mga pulis at sundalo kahit walang ayuda mula sa US at hindi titigil ang mga ito sa pagprotekta sa mga mamamayan laban sa mga lawless element at komunistang grupo.

Nauna rito, si Pennsylvania Representative Susan Wild ang naghain ng nasabing panukala bilang tugon sa pagpasa ng Kongreso ng Pilipinas ng anti-terror law na sinasabi ng mga kritiko na gagamitin ng mga pwersa ng pamahalaan sa paglabag sa karapatang-pantao.

Itutuloy lang umano ang ayuda kung susunod ang mga militar at pulis sa mga kondisyong inilatag niya.

Kabilang sa mga kondisyon ni Wild ang pag-imbestiga at pagkaso sa mga miliar at pulis na sangkot sa paglabag sa karapatang-pantao, pagtiyak ng sistemang pangkatarungan para mapanagot ang mga violator, pagkakaroon ng proteksyon sa mga obrerong unyonista, mediaman, tagapagtanggol ng human rights, indigenous persons, maliliit na magsasaka, aktibistang LGBTI at kritiko ng gobyerno at iba pa. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...