Agarang pag-apruba sa 2023 badyet, dinepensahan ni Angara

Agarang pag-apruba sa 2023 badyet, dinepensahan ni Angara

December 6, 2022 @ 6:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Dinepensahan ni Senador Sonny Angara ang mabilis na pagkaka-apruba ng bicameral conference committee report sa panukalang 2023 national budget na kung saan ibinalik ang tinapyas na confidential funds sa ilang ahensiya ng pamahalaan.

Sa pahayag, sinabi ni Angara, chairman ng Senate committee on finance, na naghahabol ng panahon ang Kongreso dahil gusto natin na bagong badyet sa Enero.

“We don’t want public interest to be prejudiced with a delayed budget because the economy is trying to recover and we are trying to produce jobs for our countrymen,” ani Angara.

Sinabi ni Angara na malaking papel ang ginagampanan ng paggasta ng pamahalaan sa pagbabangon ng ekonomiya na nakita sa taong ito na kung saan naantala ang badyet o nagkaroon ng reenacted budget na lubhang nakaapekto sa pambansang paglago.

Aniya, tip of the iceberg lamang ang mabilisang pagpupulong ng komite kasi bago nangyari ito, nagkaroon ng ilang serye ng deliberasyon ng mambabatas upang sinupin ang pagkaka-salungat at linisin ang mga probisyon sa panukalang badyet sa susunod na taon.

Ilan sa mahalagang binagong probisyon ang pagbabalik ng P150 milyon confidential fund ng Department of Education (DepEd) na naunang kinuwestiyon ng ilang mambabatas sa Senado partikular si Senador Risa Hontiveros kaya naging P30 milyon ang naturang pondo sa deliberasyon ng Senado sa plenaryo.

Ayon kay Angara matatag ang kinatawan ng Mababang Kapulungan na ibalik ang orihinal na panukala ng Kongreso na isinumite ng Palasyo kaya ito ang pinakahuling probisyon na tinalakay saka inaprub ang report.

Nilinaw din ni Angara na magkaiba ang paggamitan ng confidential funds ng DepEd at National Intelligence Coordinating Council dahil puwedeng gamitin ng una ang pondo sa pagbili ng impormasyon at protective service samantalang natatanging intelligence work ang huli. Ernie Reyes