AGARANG SERBISYO LADY GINAWARAN NG “DRAGON STAR–PANDEMIC HEROES” AWARD

AGARANG SERBISYO LADY GINAWARAN NG “DRAGON STAR–PANDEMIC HEROES” AWARD

June 29, 2022 @ 8:18 PM 2 months ago


Nitong nagdaang Linggo, June 26, ang inyo pong Agarang Serbisyo Lady ay pinagkalooban ng pagkilala bilang “Dragon Star Awards 2022 – Pandemic Heroes” na ginanap sa Novotel, Cubao, Quezon city, sa pangunguna ng Quezon City Association of Filipino-Chinese Businessmen, Incorporated (QCBACO).

 Kinilala po ang inyong lingkod dahil sa mga nagawa natin noong kasagsagan ng coronavirus disease 2019, kung saan tayo namahagi ng ilang mahalagang kagamitan sa mga ospital, sa mga medical frontliner at sa mga komunidad.

Katuwang ang mga pribadong indibidwal na may ginintuang puso pero ayaw magpakilala, at ang St. Stephen High School Alumni Association (SSHSAA), nakapagbigay tayo ng relief goods, food package at 5 liters na tubig sa mga residente ng Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal; sa San Mateo, Rizal; at sa Barangay Gaya-Gaya at Barangay Muzon sa San Jose del Monte city, Bulacan.

 May mga natulungan din tayong maipasok sa ospital noong panahon na halos walang mabakante at mapaglagyan ang mga pasyente. Lubha kasing mahalaga ang buhay para makita mo lamang na masayang dahil sa hindi mabigyan ng tamang atensyon ng mga limitado at pagod na rin nating mga medical frontliner.

Sa totoo lang, bago pa man ang pandemya, nakikita n’yo naman na nagkakaloob na tayo ng tulong sa mga kababayan natin na nangangailangan. Itinuloy lamang natin noong pandemya kahit pa sobrang “challenging” dahil sa rami ng health protocols na dapat sundin at gawin, at kakulangan sa transportasyon.

Sa ngalan ng mga indibidwal na tumutulong sa atin at sa mga organisasyon, muli tayong nagpapasalamat sa pagkakaloob sa atin ng pagkilalang ito. Magsisilbi po itong karagdagang inspirasyon para magpursige pa tayong makatulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan.

Sa mga nagtataka kung bakit para bang ako ay hindi tumatanda, malaki ang nagagawa ng pagtulong sa kapwa-tao.

Bukod sa maraming tao ang isinasama ka sa kanilang mga panalangin sa bawat araw, ang magaan at masayang pakiramdam na nakukuha sa pagtulong sa kapwa ay nakapagpapalabas ng mga tinatawag na “happiness hormones” na serotonindopamineendorphins at oxytocin. Alam naman natin na ang mga masasayang tao o stress-free na buhay ay nakababata ng natural.

Karagdagan pa, bagama’t hindi tayo humihingi ng kapalit sa ating mga nagagawang pagtulong, may isang makapangyarihan sa lahat na nakakakita ng pagmamalasakit natin sa ating kapwa-tao, at Siya mismo ay nagbabalik ng kabutihang-loob na ginawa natin.

Kaya sa bawat pagkakataon na maaari tayong makatulong sa ating kapwa-tao ay gawin natin ito, huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa dahil malaki ang magagawa nito sa kanilang buhay na lubos ka namang pagpapalain.