AGARANG SERBISYO LADY “HARVEST OF SUCCESS” (PART 2)

AGARANG SERBISYO LADY “HARVEST OF SUCCESS” (PART 2)

January 5, 2023 @ 1:13 PM 1 month ago


BAGO ang pagtanggap ng inyong Agarang Serbisyo Lady ng prestihiyosong parangal mula sa SSS at mula sa Philippine Coast Guard ay nauna nating tinanggap ang “Pagpahinungod 2022” mula sa Philippine Health Insurance Corporation – Regional Office 10.

Lumipad tayo sa Cagayan de Oro City nitong August 2022 at personal nating tinanggap ang parangal mula kay PHILHEALTH 10 regional vice president Delio Aseron II bilang pagkilala sa kontribusyon natin sa pagsusulong ng makasaysayang batas ukol sa Universal Health Care Law for All Filipinos (Republic Act No. 11223).

Ginagarantiya ng UHC ang pagbibigay ng atensyong medikal sa lahat ng Pilipino dahil ang bawat isa sa tinatayang 110 milyon nating populasyon ay miyembro ng PHILHEALTH. Ibig sabihin, wala ng kababayan natin ang mamamatay ng hindi man lang nakita o nasuri ng isang doktor lalo na iyong mga nasa geographically isolated and disadvantage areas (GIDA).

Bilang isang health advocate, ipinagbunyi natin ang pagsasabatas ng UHC sa panahon ng Duterte administration, 50 years ang hinintay ng mga kababayan natin para magkaroon ng isang makatotohanang “health for all program”. Personal ang mga karanasan mula sa iba’t ibang mga kababayan natin na ating naabutan ng tulong noong tayo ay consultant for medical charity ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at sa radio program na “Good Samaritan” na ngayon ay “Caritas in Action” na sa Radio Veritas 846 kHz.

Kinilala naman ng Quezon City Association of Filipino-Chinese Businessman, Inc. (QCAFCBI) sa pamamagitan ng “Dragon Star Awards 2022 Hometown Pandemic Heroes” ang mga nagawa nating serbisyo sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 pandemic. Katuwang ang ating mga kaibigan at mga kasamahan mula sa St. Stephen High School Alumni Association (SSHSAA) ay tayo ang unang nagpa-abot ng face masks, face shield, personal protective equipment (PPE), at alcohol sa mga medical frontliners na matapang na humarap sa kalabang hindi nakikita ngunit lubhang mapanganib. 

Aktibo parin ang inyong Agarang Serbisyo Lady sa pagsasagawa ng bloodletting para sa Chinese General Hospital and Medical Center (CGHMC), Dugong Alay, Dugtong Buhay, Inc. (DADBI), at Serving Hearts Foundation, at pagseserbisyo sa National Children’s Hospital (NCH) at sa Pasay City Host Lions Club.  

Ngayong taong 2023, mas marami pa sana tayong mga kababayang nangangailangan na maabot sa anumang kapasidad at kakayahan ng inyong Agarang Serbisyo Lady, at nagagawa natin ito sa patnubay at pagpapalala ng Paginoon na siya namang pinagmumulan ng mga biyaya at kalakasan.

Hindi ako magsasawang ibahagi sa inyo ang ating mga gawain dahil batid kong nasa likod ko kayo sa ating mabuting adhikain.

Muli, maligayang Pasko at Masaganang 2023 sa ating lahat.