AGENTS OF CHANGE

AGENTS OF CHANGE

August 24, 2022 @ 4:03 PM 1 month ago


ANG  tawag ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga bagong halal na mga opisyal, lalo na ang mga gobernador at bise-gobernador – agents of change.

Ang panawagan ni PBBM sa vice governors sa bansa, ay makiisa sa kanyang administrasyon na magbigay ng pagbabago at kaunlaran para sa buong Pilipinas.

Ang kanyang panawagan ay inihayag sa oath-taking ng mga opisyal ng League of Vice Governors of the Philippines  sa President’s Hall ng Malacañang.

“Dalangin ko na ang bawat isa ay makikipagtulungan sa ating administrasyon upang makamit ang pagbabagong hangad natin para sa bansa,” pahiwatig ni PBBM sa mga miyembro ng LGVP kasabay nang pagpapasalamat sa mga ito sa kanilang panunumpa na magiging tapat na public servants.

“Lubos ang ating pasasalamat sa mga bise gobernador na kasapi ng League of Vice Governors of the Philippines na nanumpang sila’y magiging tapat na lingkod-bayan sa mga mamamayan ng kanilang mga probinsya,” ani PBBM.

Walumput-isang probinsiya ang bumubuo ng LGVP na hinarap ni PBBM. Pinulong din ni Pangulong Marcos ang mga kasapi ng League of Provinces of the Philippines (LPP) upang talakayin ang mga istratihiya sa pagmamantine ng food supply sa bansa.

Dito pinagdiinan ng Pangulo  ang maayos na koordinasyon ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa national government ay mahalaga upang masiguro ang food security.

Iginiit din niya ang pangangailangan ng maayos na pagpaplano ng bawat probinsiya sa pagtatanim, pag-aani, pagpapataba ng lupa at paggamit ng mga pataba.

Iisa lang naman ang laging hangad ni Presidente Bongbong para sa bansa – ang pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Filipino.

Kapag natupad ito, siguradong kaunlaran na ang kasunod, dahil kung malusog ang bawat Pinoy, tatakbo ng maayos ang ekonomiya.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!