Agri damage pumalo sa P19M; infra sector nagtamo ng P33M pinsala kay #FloritaPh

Agri damage pumalo sa P19M; infra sector nagtamo ng P33M pinsala kay #FloritaPh

August 26, 2022 @ 2:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Malaki ang iniwang pinsala ng Severe Tropical Storm Florita sa sektor ng agrikultura at imprastraktura sa northern Luzon.

Naiulat ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes na aabot sa P19.1 milyon ang pinsala ng bagyo sa agrikultura sa gitna ng tumataas na halaga ng pagkain at farm inputs.

Pinakaapektado ang mga magsasaka ng palay at mais kung saan aabot sa 699 metric tonsng palay at 430 metric tons ng mais ang napinsala.

Winasak din ni Florita ang tatlong metric ton ng iba’t ibang gulay na nagkakahalaga ng P81,000 sa Ilocos Norte.

Idinagdag din ng DA na naapektuhan ng kalamidad ang hanapbuhay ng 1,286 magsasaka.

Ayon sa departamento, namahagi ito ng rice seeds, corn seeds, at assorted vegetable seeds mga apektadong magsasaka.

Samantala, naiulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes na pumalo sa P33.7 milyon ang pinsala ng bagyong Florita sa imprastraktura.

Anito, winasak ng bagyo ang ilang imprastraktura kabilang ang 24 daan at mga tulay sa Ilocos Region at pito pa sa Cagayan Valley. Ito ang mga rehiyon na labis na napinsala ni “Florita”.

Kinumpirma naman ng NDRRMC ang tatlong pagkasawi na iniuugnay sa bagyo.

Aabot naman sa 17,510 pamilya o 71,468 indibidwal mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Cordillera Administrative Region (CAR), at Metro Manila ang lumikas dahil sa severe tropical storm na nanalasa nitong Miyerkules. RNT/SA