Agri expert, papalit kay PBBM bilang DA Secretary

Agri expert, papalit kay PBBM bilang DA Secretary

January 23, 2023 @ 8:52 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nais ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. na isang agriculture expert ang mag-take over sa Department of Agriculture (DA).

Matigas ang posisyon ng Pangulo na hindi isang retiradong  military o police official, ang papalit sa kanya bilang DA Secretary dahil na rin sa “complexity” ng posisyon.

“Agriculture is a very complicated subject,” ayon sa Pangulo.

“Hindi lang kung sino-sino basta’t magaling mag-manager. They have to understand the science…They also have to understand the system. So it’s no,” dagdag na wika ng Chief Executive.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang posisyon ay hindi tamang lugar para sa isang military man maliban na lamang kung may alam ito sa agrikultura.

“Unless, they’re involved in agriculture…baka marunong na talaga sila, why not,” aniya pa rin.

Tiniyak  naman ng Punong Ehekutibo na kaagad siyang bababa sa posisyon bilang Kalihim ng DA kapag na-plantsa na ang ilang problema sa DA.

Sinabi ng Pangulo na ginagawa ng adminstrasyon ang lahat ng makakaya nito habang siya pa ang namumuno sa departamento.

Matatandaang sinabi ni Panglong Marcos na magtatalaga siya ng permanenteng kalihim kapag “properly institutionalized” na ang mga function sa DA at nagawa na ang structural changes.

“When we are able to say that the DA’s functions are properly institutionalized, and the structural changes that we need to make in the DA have been made, and the appointments in the DA have already been made, then saka ako bibitaw. Because then, they don’t need me anymore, they don’t need the President heading the department,” aniya.

Napaulat na nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III kay Pangulong Marcos na magtalaga na ng permanenteng kalihim na hahawak sa DA. Kris Jose