Agri-infra damage sa masamang panahon, sumampa sa P1.02B

Agri-infra damage sa masamang panahon, sumampa sa P1.02B

January 23, 2023 @ 10:14 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Umabot na sa P1.02 bilyon ang  pinsala sa agrikultura at imprastraktura dahil sa nagsama-samang epekto ng  shear line, northeast monsoon (Amihan), at nagdaang low pressure areas (LPAs) na labis na nakaapekto sa bansa simula pa noong Enero 2.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), araw ng Linggo, Enero 22, dahil sa masamang panahon, nakapagdulot ito ng P751,967,912.63 halaga ng pinsala sa agrikultura habang P276,797,224.68 naman sa imprastraktura.

Sa agriculture sector, ang pinaka-apektadong rehiyon ay Caraga (Region 13) nawalan o nalugi  ng P126 milyon, sinundan ng Cagayan Valley (Region 2) na may  P99.86 milyon; Western Visayas (Region 6) na may P74.87 milyon; Northern Mindanao (Region 10) na may P67.40 milyon; at Davao Region (Region 11) na may P25.1 milyon.

Samantala, umabot naman sa P201 milyon ang nawala o nalugi sa imprastraktura sa Mimaropa kung saan sakop ang Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan. Sinundan ito ng  Northern Mindanao na may P44.63 milyon; Davao Region na may P25.36 milyon; at Soccsksargen (Region 12) na may P5.1 milyon.

Umakyat naman sa 35  ang namatay subalit sinabi ng NDRRMC na 19 pa lamang ang ‘validated.’

Pinakamataas naman ang  bilang ng napaulat na namatay sa Zamboanga Peninsula (Region 9) dahil umabot ito sa 12;  walo sa Northern Mindanao; pito sa  Eastern Visayas (Region 8); anim sa  Bicol Region (Region 5); at tig-isa sa  Davao Region at Soccsksargen.

Mahigit naman sa 1.9 milyong indibiduwal ang apektado ng masamang panahon kung saan  92,118  sa mga ito ay nananatili sa 358 evacuation centers sa 14 na apektadong rehiyon.

Samantala, sinabi ng NDRRMC na ang  member-agencies nito ay nakapagpamahagi na ng P98 milyong halaga ng tulong para sa mga apektadong Filipino kabilang na ang  family food packs, tubig,  family at hygiene kits, sleeping kits, financial assistance, at iba pang non-food items. Kris Jose