Agri output ng bansa bagsak pa rin

Agri output ng bansa bagsak pa rin

January 25, 2023 @ 1:26 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nananatiling negatibo ang agricultural output ng bansa sa ikatlong sunod na taon noong 2022.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules, Enero 25, lumabas na lumiit pa ang produksyon ng agrikultura at pangisdaan ng bansa ng 1.0% sa fourth quarter ng 2022.

Bumaba rin ng 1.0% ang produksyon ng mga pananim, kung saan naitala ang pinakamalalim na pagbulusok sa produksyon ng mais sa 6.9%, mangga sa 5.8%, ampalaya sa 4.7%, palay sa 2.5% at calamansi ng 2.5%.

Samantala, bumaba rin ang produksyon ng mga isda sa 6.6% kung saan naitala ang pagbulusok sa produksyon sa tambakol/bariles sa 43.7%, alimango sa 37.0%, sapsap sa 34.3%, talakitok sa 34.2%, lapu-lapu sa 26.3%, sugpo sa 14.6%, at gulyasan sa 14.4%.

Sa kabila nito, tumaas naman ng 2.5% ang livestock production at poultry production sa 1.8% sa pagkakaroon ng pagtaas sa produksyon ng pato at itlog nito sa 4.3%, manok sa 2.3% at itlog ng manok sa 0.2%.

Ang full-year value ng produksyon sa agrikultura at pangisdaan, sa kabilang banda, ay bumaba ng 0.1% sa 2022 na nagmamarka ng ikatlong sunod na taon nito na mababa pa rin matapos ang -1.7% noong 2021 at -1.2% noong 2020. RNT/JGC