Agri smugglers, protector list isinumite ni Sotto kay PBBM, Ombudsman

Agri smugglers, protector list isinumite ni Sotto kay PBBM, Ombudsman

June 29, 2022 @ 2:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng isang senador na naisumite na ng Committee of the Whole sa Office of the Ombudsman ang kanilang ulat na naglalaman ng listahan ng mga opisyal ng gobyerno at ilang pribadong indibdiwal na sangkot bilang smugglers at protektor ng malalang agriculture product smuggling sa bansa, nitong Miyerkoles.

“Pinadala ko ‘yung kopya sa Ombudsman, ‘di lang ‘yung listahan pinadala ko sa Ombudsman ‘yung buong committee report. Nandoon ‘yung rekomendasyon ng buong committee ng Senado kung sino-sino ang dapat kasuhan kumpleto ‘yon,” ani outgoing Senate President Sotto sa panayam sa radyo nang tanungin tungkol sa posibilidad na makawala ang mga opisyal dahil magtatapos na ang kanilang termino pagkatapos ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod sa Ombudsman, sinabi ni Sotto na ipinadala rin niya ang kopya ng listahan kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mamumuno sa Department of Agriculture sa kanyang pag-upo sa pwesto.

Sa isang text message sa mga mamamahayag, sinabi ni Sotto na ang kopya ng ulat ay dapat ibigay sa Ombudsman dahil trabaho nila ang imbestigahan at magsampa ng mga kinakailangang kaso laban sa mga napatunayang sangkot sa iligal na pag-angkat ng mga produktong pagkain sa bansa.

Inulit din ng mambabatas ang kanyang babala laban sa National Intelligence Coordinating Agency kung patuloy nilang itatanggi na hindi sila ang nagbigay ng listahan sa kanyang tanggapan.

“They are playing on words kaya pinakamaganda, mas maganda tumahimik na lang. ‘Wag na nilang kontrahin ang committee report ng Senado dahil kapag kinontra nila ‘yon, mapipilitan ako na ilabas lahat,” ani Sotto.

Noong Martes, itinanggi ni NICA Director Edsel Batalla na nanggaling sa kanila ang mga pangalan ng hinihinalang smuggler at protector na binanggit sa Senate committee of the Whole matapos silang batikusin ng dalawang senador sa pagiging hilaw ng impormasyon na kanilang ibinunyag sa Senate panel.

Bilang tugon sa pahayag ni Batalla, sinabi ni Sotto na nasa kanya ang mga talaan ng pagbisita ng mga opisyal ng NICA sa kanyang tanggapan kung saan ibinunyag umano sa kanya ang impormasyon.

Lunes nang pangalanan sa media ng komite ang 22 katao na sangkot umano sa agri smuggling sa bansa bilang smugglers at protektor, kabilang dito si Customs Commissioner Rey Guerrero at ilang opisyal ng Customs and Agriculture. RNT