AGRIKULTURA PALALAKASIN NI BBM

AGRIKULTURA PALALAKASIN NI BBM

April 20, 2022 @ 2:05 PM 2 months ago


MATUTULDUKAN na rin ang penitensya ng mga magsasaka kaugnay sa kasalukuyang mga suliranin nito kabilang ang kawalan ng sapat na suplay ng tubig sa kanilang pananim, napakamahal na presyo ng abono, kakulangan ng farm implements at murang bili ng gobyerno ng ani nilang palay.

Masakit man tanggapin ngunit ang tinaguriang tagapakain ng sambayanan na sektor ng kanayunan ay matagal nang binalewala ng gobyerno.

Sa katunayan, iilang irrigation facilities na lang ang dumadaloy sa kasulok-sulukan ng bansang pinag-aagawan na nga ng magsasaka, kailangang pa nilang bayaran ang bawat patak ng tubig na ginagamit sa kanilang palayan upang makapagtanim ng kahit dalawang beses sa isang taon.

Batay sa datos ng Department of Agriculture, pumalo na sa halos 12 bilyong piso ang utang ng sektor na ito sa kagawaran mula sa paggamit nila ng mga dam at irigasyon sa kabundukan.

Hindi pa kabilang ‘dyan ang inuutang nila sa mga buwayang rice traders na lampas-tao ang interes upang maibili naman ng mga binhi’t abonong napakamahal na rin ng presyo.

Kaya naman sa ilalim ng makabagong programa patungkol sa agrikultura ni Presidential frontrunner Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr., magpapagawa ito ng karadagdagang dambuhalang mga dam upang tuloy-tuloy ang daloy ng libreng patubig patungo sa kanilang palayan.

Ibabalik din ni Bongbong ang ipinatupad noon ng amang si Apong Ferdie na Masagana 99 kung saan ang pamahalaan ang umaangkat ng abonong ipinamamahagi sa magsasaka sa murang presyong sa halip na kwarta ang ibinabayad ay palay ang kinakabig ng gobyerno pagkatapos ng anihan.

Saksi ang mga magulang natin sa napakamurang bigas noong dekada 70 hanggang 80 bunsod sa kakarampot ang gastos ng magsasakang halos tinutugunan ng gobyerno ang pangangailangan nila.

Kilala ang ‘Pinas noon na exporter ng de-kalidad na bigas sa mga karatig bansa nito sa Asya subalit matapos ang EDSA revolution ay nagsimula rin ang kalbaryo ng sektor na itong ang bansa na ang bumibili ng bigas mula sa Vietnam at Thailand.

Ang masaklap pa ay ibinenta pa ni Tita Cory ang halos 70 hektaryang Food Terminal na kilalang bagsakan noon ng bigas at iba pang agri products ng bansa.

Kaya naman sa pag-upo ni Bongbong bilang susunod na Pangulo, nakasisiguro ang taumbayan na ibabalik nito ang dating sigla ng kanayunan na food producers ng bansang marapat na ibangon ng gobyerno.