DRUGLORDS UMAARIBA

August 15, 2022 @8:11 PM
Views:
62
HABANG inaasikaso ng buong pamahalaan ang paggapi sa COVID-19 at pagpupundar o pagbabago ng lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga mamamayan, andiyan naman ang mga druglord na bumabalik sa pagpapakalat ng droga bilang panira sa mga magandang serbisyo-publiko ng pamahalaan.
Pinakahuling malaking gawa ng mga druglord ang pag-import, pag-imbak at pagpapakalat ng droga na shabu sa maraming bahagi ng bansa ang nadiskubre sa Pozzorubio, Pangasinan kamakailan.
Halagang P2.4 bilyong shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa sa nasabing bayan at naaresto rin ang Chinese national na si Ke Wujia at mga Pinoy na sina Johnbert Yagong, 22; Jenson Rey Yago, 29, and Ritchell Repuesto, 28.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Wilkins Villanueva, ikinakalat ang shabu sa mga lalawigan ng La Union, Ilocos Norte, Zambales, Pangasinan, Bataan at Cebu na nakasilid sa mga lalagyang may tatak ng tsaa.
Unang nadiskubre ang nasabing droga sa tip ng mga mamamayan sa pulisya ng Pangasinan sa ilalim ni Col. Richmond Tadina.
Inabot ng tatlong buwan ang pagmamanman ng mga awtoridad, sa pangunguna ni Gregorio Pimentel, PDEA deputy director general for operations, bago ni-raid ang lugar sa Pozzorubio ng pinagsama-samang pwersa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Customs at PDEA.
Halos kasabay na ikinasa at naging matagumpay rin ang kaugnay rito na mga operasyon gaya ng pagkakasamsam ng 40 kilo o P272 milyong shabu sa Barangay Poro sa San Fernando, La Union.
Nakasamsam din ng mahigit 1.4 kilo sa Mandaue City, Cebu ang mga pwersa ni Central Visayas police director Brig. Gen. Roque Eduardo Vega.
Sinasaluduhan natin ang mga nasabing ahensya ng pamahalaan, masisipag na opisyal at nagmamalasakit na mamamayan na gumawa ng lahat ng paraan para masugpo ang sindikatong ito ng droga sa malaking bahagi ng bansa.
Isang tanong lang: Meron bang mga kasabwat na opisyal o tauhan ng pamahalaang nasyunal at lokal sa pag-aangkat, pag-iimbak at pagbebenta ng droga kaugnay nito?
Alalahaning droga ang malaking sanhi ng pagkasira ng utak at kalusugan ng mga mamamayan, pagkasira ng mga pamilya, pagdami ng mga krimeng pagnanakaw, rape, pagpatay, korapsyon at iba pa.
PAGSIBAK SA DE-NUMERONG TRAFFIC LIGHT
Maganda naman ang pagsibak sa de-numerong mga traffic light sa Metro Manila habang paiiralin ang no-contact apprehension policy.
Bibilis ang daloy ng mga sasakyan at hindi maiistorbo maging ang mga nahaharang na tumatakbong pang-emergency na sasakyang pribado at pampubliko.
Maiiwasan din ang korapsyon gaya ng hulidap sa mga tsuper na nagkakamali, sadyang abusado sa mga kalsada at iba pa.
Kaya lang, hindi kaya pagmumulan ito ng mga disgrasya at pang-aabuso ng mga may kontrata sa mga no-contact apprehension policy at mga lokal na pamahalaan at mismong Metro Manila Development Authority?
Alalahaning bilyong piso ang kontrata ng mga kompanyang suplayer ng mga gadget, traffic light at operasyon ng mga ito at ang bumawi ng kanilang puhunan at kumita na rin ng limpak-limpak na salapi ang layon ng mga ito at pangalawa lang ang serbisyo-publiko?
MAHIRAP MAG-CONTEST NG NCAP VIOLATION

August 15, 2022 @8:04 PM
Views:
60
DAIG pa ang husgado sa hirap na i-contest ng mga motorista ang hulisa NCAP violation. Mapipilitan ka na lang talagang bayaran ang multa kahit masama ang loob mo – “guilty” agad.
Suriin natin ang nakasaad sa website ng isang LGU. Dahil sa isa lang naman ang private provider ng mga LGU na kaparte sa kita na galing sa binayarang penalty ay maaring pare-pareho ang nakasaad.
How to Contest the Notice of Apprehension; By submitting a NOTARIZED OBJECTION USING THE APPEAL FORM TO THE TRAFFIC VIOLATION ADJUDICATION COMMITTEE WITHIN 5 DAYS FROM RECEIPT OF THE NOTICE OF VIOLATION.
Upon receipt of objection, the Traffic Violation Adjudication Committee SHALL NOTIFY YOU OF THE DATE AND TIME OF HEARING, IF NECESSARY. If you fail to appear at the scheduled hearing the Traffic Adjudication Committee shall render judgment based on available evidence.
Hindi pwedeng sulat kamay o gawa mo ang objection. DAPAT i-DOWNLOAD MO ANG APPEAL FORM AT DAPAT NOTARYADO! Hindi naman libre ang notary.
Ilang driver ng taxi, bus at jeep na madalas na magkaroon ng violation ang marunong mag-download ng Appeal Form? At dahil notaryado dapat gagastos pa ng P200 o P300 para sa notary. Hindi nililibre ng LGU o private contractor nila ang notaryo. Kelangan i-submit WITHIN 5 DAYS FROM RECEIPT OF VIOLATION. Kung may nag- receive ng notice at hindi mo alam at hindi ka nakapunta sa hearing, they will RENDER JUDGEMENT BASED ON AVAILABLE EVIDENCE.
Bakit hindi pwede na sa appeal form ay mag-fill-out na lang at i-submit by email o sa website? Bakit kailangan notaryado? Balak pa ba nila mag-file ng perjury case laban sa motorista? Bakit hindi na lang sa hearing ay doon mag- provide sila ng libreng notaryo o mag assign ng person who can administer oath para walang gastos. O kaya, huwag na mag- require ng notarized appeal form. Dito pa lang ay pahirapan na. Gaano katagal ang desisyon? Kung hindi ka sang-ayon sa judgment nila pwede ka ba mag- apila at saan?
Sana ay makita ng mga nagpapatupad ng NCAP ang mga bagay na ito. Hindi tutol ang LCSP, lamang ilagay sana sa tama ang proseso.
oOo
Atty. Ariel Inton
President, Lawyers for Commuters Safety and Protection
09178174748
PAALAM AT SALAMAT

August 15, 2022 @7:59 PM
Views:
48
SA dami ng mga ganap nitong mga nakaraang araw, medyo mabigat ang sunod-sunod na pagpanaw ng mga kilalalang tao, o ‘icons’ natin.
Una si dating pangulong Fidel V. Ramos,94, nilisan niya ang mga Pilipinong taglay pa rin ang slogan niyang “Kaya natin ito!” Maganda at positibo ang slogan niyang ito na nagsilbing pamukaw-sigla ng mga Pinoy para malampasan ang mga pagsubok sa buhay.
Kinaya ni FVR ang patong-patong na mga hamon sa anim na taon na pamumuno niya. Kabilang na rito ang malawakang brown-outs at Asian Financial Crisis. Sa gitna ng mga ito, itinulak n’ya ang mga importanteng Social Reform Agenda at pagbangon ng Pilipinas bilang isang ‘Tiger Economy.’
Habang nagluluksa ang bansa sa pagkamatay ni FVR, pumutok ang balitang sumakabilang buhay din ang premyadong aktres na si Cherie Gil, 59, dahil sa cancer. Sa sobrang galing n’ya sa pag-arte, tumatak ang mga linya niya bilang kontra-bida.
Naalala ko noong minsa’y nakasabay ko sa flight si Ms. Gil biyaheng Europe. Ang simple-simple niya, nag-iisa, walang kaarte-arte sa katawan, pero taglay niya ang pagiging mestiza at sopistikada. Nagdalawang-isip akong batiin siya kasi baka sungitan ako. Gusto ko sanang sabihin sa kanya noon na napakagaling n’ya talagang artista.
Sa totoong buhay daw, napakabait at maalalahanin ni Cherie.
Ikinagulat naman ng lahat ang pagpanaw ni Lydia de Vega,57. Siya ang tinaguriang pinakamabilis na babaeng mananakbo ng Asya nong dekada 80. Ang hirap tanggapin na ang isang atleta ay mayroong sakit na cancer.
Mukha naman siyang okay noong mag-flag bearer sila sa ASEAN Games noong 2019 na tayo ang host country.
Nananatili sa aking alala ang dating mukha ni Lydia nanakatirintas ang buhok, naka-running outfit at palaging nakangiti, parang lumilipad sa bilis ng pagtakbo.
Pumanaw na nga ang tatlong mga higante sa kanilang mga larangan. Hindi sila malilimutan dahil nagbigay sila ng karangalan sa bansa. Paalam at maraming salamat sa inspirasyon na inyong iniwan sa aming lahat.
NABUKING NA PALUSOT

August 15, 2022 @7:57 PM
Views:
50
SA wakas nahalungkat na kung sinu-sino ang mga responsable sa mga pagpapalusot ng mga produktong agrikultura sa bansa.
Buwena-mano ng administration ang pagkakabunyag sa mga suwitik diyan sa Department of Agricul-ture.Patay kayo riyan!
Lumalabas na nasa loob din ng DA ang sumasabotahe upang bumaha ang mga imported na produktong agrikultura,dahilan upang malugi at mabulok ang mga ani ng mga nagsisikap nating magsasaka.
Hindi natin sinasabing guilty na nga sa karumal-dumal na smuggling ang mga pangalang lumulutang na ngayon ay under investigation pa. Pero sabi nga, walang usok kung walang apoy.
Ngunit malinaw na mayroon ngang mga taong nasa likod ng organisadong sindikato sa agriculture department.
Ang isa sa maihahalimbawa na rito ang balak na importasyon ng 300,000 metrikong tonelada ng asukal,ang pag-angkat ng processed animal protein galing Italy at iba pang bansa na kontaminado ng African Swine Fever , at yaong hindi masa- watang illegal na pagpasok sa bansa ng mga imported na sibuyas, bawang, carrots at iba pang produktong agrikultura.
Mabuti na lang ay nabuking.Paano kung hindi? E di pinagpipistahan sila. At malakas din ang loob ng mamang pumirma! E mukhang sanay na sanay? He he he…..
Isipin na lang na mismong Pangulo ng Pilipinas ang kanyang immediate boss,di ba nga si Pangulong BBM ang Secretary ng Agriculture department.
Baka naman subok lang,pag nakalusot e tuluy-tuloy na, gaya ng mga pangyayari sa nakaraan.
Pero ‘yan nalantad na illigal na aktibidad sa DA e sungot pa lang o tinatawag na iceberg sa industriya ng mga sindikato ng smugglers sa ating bansa.
Mula sa DA, hanggang sa Bureau of Customs, pagkuha ng mga permiso sa importasyon, at iba pa.Sanga-sanga na yan.
Ang atin lang, sana ay makatotohanan ang isasagawang imbestigasyon. Yun talagang may mapapanagot. Walang magaganap na pagtatakip.
Umaasa ang sambayanan na sa liderato ni Pangulong BBM ay matatapos na ang pamamayagpag ng mga suwitik at mga kasabwat nila sa mga departamento ng pamahalaan.
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274761, 09266719269 o i- emaisa [email protected]
com or [email protected]
PAGLIKHA NG DEPARTMENT OF WATER RESOURCES LUBHANG KAILANGAN

August 15, 2022 @7:53 PM
Views:
46
BAGAMAT maraming mahahalagang batas ang pumasa sa nagdaang 17th at 18th Congress sa ilalim ng Duterte administration ay hindi nakalusot ang panukala ukol sa paglikha ng DWR o ng Department of Water Resources na hindi umusad sa Senado bagamat ipinasa ng House of Representatives sa ikalawa at ikatlong pagbasa.
Ang tanong ng inyong Agarang Serbisyo Lady sa mga mambabatas, hindi ba mahalaga ang pagkakaroon nito sa gitna ng climate change na patuloy na lumalala?
Mabuti na lamang at sa kauna-unahang State of the Nation Address ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ay isa ito sa mga inihain niyang priority legislative agenda ang pagbuo ng DWR.
Lubha kasing kinakailangan na ng bansa ang Department of Water Resources para sa pagkakaroon ng water security sa bansa lalong-lalo na sa high urbanized areas katulad ng Metro Manila na ilang beses na ring nakaranas ng water crisis.
Ang Metro Manila kabilang ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ay umaasa sa tubig buhat sa Angat Dam at mga kaugnay na dam na inihahatid ng mga water concessionaires na Manila Water at Maynilad Company sa pamamahala ng MWSS o ng Metropolitan Manila Waterworks and Sewerage System.
Mayroong pag-ulan nitong nakaraang araw, ngunit hindi sapat ang tubig ulan sa area ng Bulacan, kaya bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Base sa dam elevation level noong ika-12 ng Agosto 2022, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 177.69 meters, mas mababa ng 2.31 meters, kung ikukumpara sa minimum operating level na 180 meters. Mas lalong malayo sa normal high-water level (NHWL) na 210 meters. Ang Bustos Dam ay nasa 17.16 meters, malapit na sa 17.70meters spilling level at ang Ipo Dam ay nasa 100.54 meters, malapit-lapit na rin sa 101.00 meters spilling level.
Mabagal ang usad ng polisiya ukol sa usapin ng water management, utilization and conservation dahil sa isyu ng tubig sa bansa ay pinaghahatian ng 39 agencies na nag-uunahan sa pondo at nag-aagawan sa hurisdiksyon.
Sa mga mauunlad na bansa, ang serbisyo ng tubig ay nakaatang sa isang departamento.
Nagbibigay naman ng inputs ang National Water and Resources Board (NWRB) at iba pang water stakeholders ukol sa water management, bakit hindi lumusot sa nakaraang mga Kongreso ang Department of Water?