Agrikultura tutukan muna kaysa Maharlika Wealth Fund-Imee

Agrikultura tutukan muna kaysa Maharlika Wealth Fund-Imee

December 13, 2022 @ 7:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinikayat ni Presidential sister Senator Imee Marcos sa mga taong nagsusulong at nasa likod ng panukalang sovereign wealth fund na mas pagtuunan muna ng pansin ang tumataas na presyo ng mga consumer goods at “degenerative agriculture.”

“Tutukan muna natin ang pagtaas ng presyo at kakulangan ng pagkain at ang hirap na dinadanas ng ating mga magsasaka, ani Marcos.

Sinabi ni Marcos, na naghatid ng kabuuang P7.5 milyong halaga ng Assistance to Indigents in Crisis Situations (AICS) sa Science City ng Munoz, bayan ng Talavera na magandang inalis na sa panukala sa pagbuo ng Maharlika Wealth Fund ang paggamit ng pondo mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).

“Ang problema natin sa irigasyon, mga bulok na ang Pantabangan, mga luma na, Magat lahat ‘yan lahat luma na at ang tatay ko pa ang nagpatayo eh siyempre pag nakadaan na ang 50 na taon, ang tawag diyan e talagang for replacement na,” giit pa ng Presidential sister.

“Maraming marami tayong problema sa agrikultura kaya para sa akin, bago tayo sumabak diyan sa Maharlika (Wealth Fund), kung anu-anong investment sovereign ek-ek e pwede ba yung problemang pangkaraniwan na hinaharap natin araw-araw, yun muna tutukan natin,” giit pa ng Senadora.

Naghatid din siya ng P5-milyong pondo para sa isang agriculture project sa munisipyo ng Talavera, at 1,000 piraso ng Noche Buena pack na may mga gulay mula sa hilagang Luzon at mga laruan para sa tatlong nayon sa lungsod. RNT