Aguirre may video vs alegasyon ni Ragos

Aguirre may video vs alegasyon ni Ragos

November 3, 2022 @ 2:34 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – May maipantatapat na video si dating Justice secretary Vitaliano Aguirre laban sa paratang ni dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos na pinilit lamang niya itong tumestigo laban kay dating senador Leila de Lima.

Sa naturang video na kuha ng Public Attorney’s Office ayon kay Aguirre, makikita umano si Ragos na malayang tumetestigo at walang nagkokontrol dito sa kanyang supplemental affidavit.

“[M]akikita ninyo doon na wala siyang, walang namimilit sa kanya. Siya ang tuloy-tuloy na nagsasalita. Siya ang nagbigay ng lahat ng mga contents nung kanyang supplemental affidavit at tumatawa pa siya, walang namimilit,” ani Aguirre sa isang ambush interview.

“Makikita ninyo diyan kung gaano ka-free, kung gaano ka spontaneous, kung gaano ka voluntary ang pagbigay ng statement, supplemental affidavit ni Ragos,” dagdag pa niya.

Nang tanungin naman kung bakit hindi niya ipinakita sa Korte ang naturang video, ito ay dahil hindi naman siya ipinapatawag.

“Ngayon sinasabi ninyo bakit hindi sa korte? Eh, hindi naman ako pinapatawag ng korte. Ikalawa, hindi pa ito pagkakataon na magpresenta ng witnesses ng depensa kaya hindi ako maaaring mag-testigo din ngayon unless ipatawag nila ako,” tugon ni Aguirre.

Aniya, ang video ay may habang isang oras ngunit may naihanda rin siyang 20-minute version.

Matatandaan na noong Mayo ay binawi ni Ragos ang mga nauna niyang testimonya laban kay De Lima at sinabing pinagbantaan lamang siya at pinili ni Aguirre na mag-imbento ng pekeng alegasyon.

Pinabulaanan naman niya ang naturang paratang.

“Gusto kong pabulaanan. Sapagkat ang sabi sa akin nung ibang mga kaibigan ko, uy sagutin mo ‘yung mga akusasyon ni Ragos na pinilit mo raw siya at kaya siya’y— diniin niya si secretary De Lima… hindi maganda sa iyo ‘yan,” dagdag niya.

Handa naman siyang humarap sa korte anumang oras na siya ay hihilingang tumestigo.

“Oo, anytime. Sapagkat alam ninyo naman ako, basta mga ganyan, hindi tayo natatakot diyan,” ani Aguirre. RNT/JGC