Ahente-himas rehas sa pekeng yosi

Ahente-himas rehas sa pekeng yosi

July 8, 2021 @ 10:32 AM 1 year ago


ISABELA – Himas rehas na bakal ang isang ahente ng pekeng sigarilyo sa isinagawang entrapment operation ng kapulisan sa Villaluz, Delfin Albano dito sa nabanggit na probinsya.

Kinilala ang suspek na si Jerry Mamauag, 33 anyos agent, may asawa at residente ng Santa, Tumauini, Isabela.

Una rito, nakatanggap ang himpilan ng pulisya na may reklamo kaugnay sa pagbabalik ng mga sibilyan sa nabili nilang sigarilyo sa isang tindahan dahil sa hindi magandang lasa.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng monitoring at pakikipag-ugnayan ang mga kasapi ng Delfin Albano Police Station sa ahente ng mga siragilyo matapos na dumulog sa kanilang himpilan ang may-ari ng tindahan.

Batay sa pakikipag-ugnayan nila sa kumpanya na nagsusuplay ng sigarilyo sa lalawigan, kinumpirma nila na peke ang mga sigarilyo dahil sa pare-parehong label o serial number ng mga ito.

Nakuha sa suspek ang pitong ream at 20 pakete ng iba’t ibang brand ng  sigarilyo, isang bagpack na nagkakahalaga ng higit 9,000 pesos, mga resibo, P1,608 na pera at isang motorsiklo.

Batay sa assessment ng pulisya, walang posibleng malaking pagawaan ng pekeng sigarilyo sa lalawigan dahil maliitan at bago lamang ang operasyon ng suspek.

Nahaharap sa kasong Republic Act 8293 o Intellectual property Code of the Philippines si Mamauag na pansamantala nasa kustodiya ng himpilan ng pulisya. (REY VELASCO)