Ai Ai, naging emosyunal sa hindi nabuong baby!

Ai Ai, naging emosyunal sa hindi nabuong baby!

January 25, 2023 @ 6:30 PM 2 weeks ago


Manila, Philippines- Paspasan ang schedule of activities ni Ai Ai de las Alas.

Kagagaling lang niya sa Amerika mula sa matagumpay na show nila ng dating asawang si Miguel Vera nitong January 21.

Kinailangan niyang umuwi ng bansa para naman sa story con ng kanyang pelikulang Litrato sa ilalim ng direksyon ni Louie Ignacio.

Magiging hurado pa siyang muli ng The Clash ng GMA.

Sa storycon ng nasabing bagong film project niya, hindi napigilan ni Ai Ai na maging emosyonal nang usisain ang tungkol sa balak nila ng asawang si Gerald Sibayan na magkaroon ng baby.

Ayon sa komedyana, hindi raw nabuo ang dapat sana’y dalawang babies nila.

“Naluluha na naman ako. Bale isa na lang ang natira,” ayon sa 58 anyos na aktres na ang tinutukoy ay ang proseso ng in vitro fertilization o IVF.

Sumang-ayon naman si Ai Ai sa nagkakaisang susog ng press na hindi siya bumibitaw sa pag-asang makakabuo sila ni Gerald.

Pero halatang hindi siya kumportableng pag-usapan pa ‘yon.

Samantala, gustong baguhin ni Ai Ai ang tradisyunal na renewal of vows na kadalasang idinadaos ng married couples after many years.

Ikinasal sina Ai Ai at Gerald noong December 2017, at nag-renew ng vows kamakailan lang.

“Gusto ko every five years, nagre-renew kami. Kaya pag 60 na ‘ko, 70, 75…ikasal uli kami. Hindi natin masabi, baka mategibambam ako!” pabaklang biro niya. Ronnie Carrasco III