Airplane industry nawiwindang sa samu’t saring parusa vs Russia

Airplane industry nawiwindang sa samu’t saring parusa vs Russia

March 9, 2022 @ 9:00 AM 4 months ago


MOSCOW – Nagkakawindang-windang na ang industriyang eroplano dahil sa mga pagharang ng United States at kaalyado nitong mga bansa sa paglipad ng mga eroplanong Ruso sa iba’t ibang bansa bilang parusa sa Russia sa paglusob nito sa Ukraine.

Hindi na lang ang mga Ruso ang nakararamdam ng krisis sa industriya kundi maging ang iba pa sa iba’t ibang paraan.

Kabilang umano sa ibinunga ng parusa o sanction ang posibleng pagsasabansa ng Russia sa mga eroplanong inuupahan nito mula sa mga gumagawa ng parusa.

Damay rito ang mga gawa ng Boeing na nakabase sa United States at Airbus na gawa naman ng Germany at France.

Sa 980 pampasaherong jet lamang, 777 dito na pag-aari ng mga dayuhang kompanyang Aercap at Air Lease ang inuupahan ng Russia.

Wala ngayong katiyakan kung ang mga nagpapaupa ng eroplano kung makakukuha sila ng insurance sa mga eroplanong posibleng hindi nila makuna mula sa Russia.

Bigla ring nawalan ang mga gumagawa ng mga eroplano at maintenance provider ng pagkakitaan.

Halimbawa rito ang pagpapatigil ng United States at European Union sa paggawa at pagdeliber ng 62 eroplanong gawa ng Boeing at Airbus sa Russia.

Nawalan din ng malaking suki ang mga gumagawa ng spare parts at kontrata sa mantinansya ng mga eroplano.

Dahil naman sa pagbabawal ng US, EU at kaalyado nila ng kanilang mga eroplano na bumiyahe sa air space ng Russia, mas mahahaba ngayon ang biyahe ng mga ito na komukonsumo ng mas marami at nagmamahal na langis, bukod pa ang pagbabawas ng kargamento ng eroplano.

Higit na nakararamdam umano ng hirap sa biyahe at mahal na pamasahe ang mga bumibiyahe sa pagitan ng Europa at China, Japan at South Korea at nadadamay na rin ang mga biyaheng Europa at South East Asia, United States at India. RNT