AJ, tinawag na kabit, rumesbak!

AJ, tinawag na kabit, rumesbak!

February 26, 2023 @ 7:55 AM 1 month ago


Manila, Philippines – Obyus na ikinapanting ng tenga ni AJ Raval nang tawagin siyang kabit at homewrecker ng isang babaeng netizen sa Facebook.

Ito’y matapos magpost ang sexy actress ng dalawang selfie photos na may caption na: “Virgo baby.”

Hindi ito nakaligtas sa mapanuring netizen na tinawag siyang kabit.

Alam naman daw ni AJ na may asawang tao si Aljur Abrenica pero pinatulan pa rin, dahilan para masira ang pamilya nito.

Maiimadying umuusok ang ilong ni AJ sa galit nang buweltahan niya ang basher.

Anito: “FYI madam, walang naloko. Kung literal mang nasira ang pamilya nila, one thing is for sure, hindi ako ang dahilan. Alam ni Kylie ‘yan.”

Ang Kylie na tinutukoy ni AJ ay si Kylie Padilla na dating asawa ni Aljur .

Dagdag pa ni AJ, mag-research daw nang mabuti ang naturang basher.

Tiniis daw niya ang mga paratang noon sa kanya dahil hindi pa sila officially on ni Aljur.

Matatandaang nitong February 14 lang inilantad nina AJ at Aljur ang kanilang relasyon.

Ayon kay AJ, July 2022 lang naging opisyal ang relasyon nila ni Aljur.

July 2021 nang magkahiwalay sina Kylie at Aljur kaya kung tutuusin ay wala pa si AJ sa eksena.

Nanindigan si AJ na wala nang sabit si Aljur nang pumasok siya sa buhay nito, kaya hindi raw makatarungang sabihing nanira siya ng pamilya.

Matatandaan ding sa October 2021 post ni Aljur sa Facebook ay inihayag niyang si Kylie ang unang nagloko sa kanilang dalawa.

Mariin namang itinanggi ito ni Kylie hanggang maglabasan na ang balitang may natagpuan na rin daw itong bagong karelasyon nang magpunta sa Thailand nitong January. Ronnie Carrasco III