“Ako nagtitimpi lang dito,” Asec. Uson, bumwelta sa isyu ng kontrobersyal na federalism jingle

“Ako nagtitimpi lang dito,” Asec. Uson, bumwelta sa isyu ng kontrobersyal na federalism jingle

August 7, 2018 @ 10:32 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Bumanat si Palace Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson sa mga senador na bumabatikos sa kaniyang controversial video tungkol sa pederalismo.

Umabot na ang shares ng video sa 5.6 million sa Facebook kung saan mapapanuod ang blogger na si Drew Olivar, co-host ni Uson sa online game show, na sumasayaw at kumakanta ng “Ipepe, ipepe. Idede, idede. Ipede, pede, pede, pederalismo!”

Dismayado ang ilang senador sa video na ito ni Uson dahil hinaluan umano nito ng kalaswaan ang paksa ng pederalismo.

Read: Senado dismayado kay Mocha Uson hinggil sa malaswang video sa Pederalismo

Banat naman ni Uson, ang mga senador ang nagpapakita ng kawalang-galang nang hindi nila pansinin ang alegasyon ng nangyaring dayaan sa eleksyon 2016 at pinigilan pa ang abogadong si Glenn Chong sa pagsasalita tungkol sa isyu.

“Ako nagtitimpi lang dito sa ILANG mga Senador na ito. Matagal niyo nang pinaglalaruan ang taumbayan,” sabi ni Uson sa Facebook.

“Sino ngayon ang mas baboy sa atin???? Ang laki ng sahod at pondo niyo pero saan niyo ginagamit? Ako na walang natangap diyan sa Pederalismo na ‘yan pero sasabihin niyo ‘binabastos’ ko. KAYO ANG BUMABASTOS SA KATOTOHANAN.”

“Bakit niyo pinipigilan si Atty Glenn Chong at nililihis ang issue???? Nakinabang ba kayo sa dayaan??? O nakinabang ba ang mga kaibigan ninyo???? KAYO ANG BASTOS!!!,” dagdag pa niya.

Si Chong ay isa sa mga resource speakers sa hearing sa Senado noong nakaraang linggo kung saan tinalakay ang umanong pamemeke noong 2016 polls.

Siya ay pinakilala ng kampo ng dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr bilang isa sa kaniyang mga representatives para sa ‘diagnostics of the election management system servers in 2017’, ayon kay Sen. Franklin Drilon.

Samantala, sinabi naman ni Asec. Martin Andanar na si Uson ay hindi pa tuluyang out sa federalism information campaign dahil pag-uusapan pa ito at depende na sa inter-agency na kinabibilangan ng DILG, PCOO, Office of the Executive Secretary at mga Consultative Committee members kung kukunin pa rin nila bilang personality si Uson. Remate News Team