Aksidente mababawasan, maayos na trapiko inaasahan sa exclusive motorcycle lane – MMDA

Aksidente mababawasan, maayos na trapiko inaasahan sa exclusive motorcycle lane – MMDA

March 10, 2023 @ 4:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mababawasan ang mga road crash at iba pang uri ng aksidente sa pagpapatupad ng “exclusive motorcycle lane.”

Maliban dito, ayon pa sa ahensya ay makapagpapaluwag din ito sa daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

“Ang inaasahang epekto ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue ay sana unang-una, mabawasan ang road crash incidents, at pangalawa, maibsan ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Ave,” ayon kay MMDA spokesperson Melissa Carunungan sa isang press briefing nitong Biyernes, Marso 10.

Sa datos ng MMDA Traffic Engineer Center noong 2022, sinabi ni Carunungan na nasa 154,369 motorsiklo ang dumaraan araw-araw sa Commonwealth Avenue.

“Nakita rin ng aming Traffic Engineer Center ay tumaas po ng 46.10% ang mga motorsiklo na bumabalagtas sa Commonwealth Avenue. Karagdagan dito, sa 2022 may average na limang motorcycle related road crash incident sa Commonwealth kada araw,” aniya.

Nitong Huwebes, Marso 9 ay nagsimula na ang dry run sa paggamit ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth at magpapatuloy hanggang Marso 19.

Nakatakda naman sa Marso 20 ay full implementation nito.

“Para po sa mga lalabag sa dry run, hindi pa pinagmumulta ang mga ito, kung hindi pinagsasabihan lang pagkatapos po ng dry run implementation at information campaign ang mga lalabag o ang mga lalabas sa kanilang exclusive lane ay kailangan magbayad ng P500,” dagdag ni Carunungan.

Aniya, tinugunan din ng MMDA ang mga pangangailangan ng ilang motorsita sa unang araw ng dry run.

“Nakinig din po kami sa mga concerns ng mga motorista, isa sa mga concerns nila ay yung visibility ng traffic enforcers. Dahil doon inutos agad ng aming MMDA chairman Romando Artes na gumawa ng placard na pwedeng hawakan ng aming traffic enforcers para mas makita po ng mga dumadaan sa Commonwealth Avenue kung ano ang mga designated lanes para sa kanilang sasakyan,” pagbabahagi niya.

Nakikipag-ugnayan na rin ang MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagsasaayos ng mga lubak sa Commonwealth Avenue.

Naglagay na rin ang ahensya ng mga road markings at signage kaugnay ng exclusive motorcycle lane.

“Sa dry run ngayon, araw araw pa rin kami nag-aassess ng situation at nakikinig rin naman po kami sa mga concerns ng motorista,” aniya.

Samantala, magpupulong naman ang mga traffic district heads ng MMDA upang pag-usapan ang preparasyon at deployment ng mga tauhan nito sa mga terminal sa paparating na Semana Santa. RNT/JGC