Aktibidad bago ang Pista ng Nazareno kasado na

Aktibidad bago ang Pista ng Nazareno kasado na

December 4, 2022 @ 2:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag na ang ilang mga aktibidad sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9, 2023.

Ayon sa mga organizers, nagsimula na ang “pagdalaw” o ang pagbisita ng imahen ng Itim na Nazareno sa iba’t ibang lungsod upang hindi na dumagsa pa ang mga deboto sa kaganapan sa Maynila sa susunod na buwan.

Dadalhin ang imahe sa iba’t-ibang lugar mula Disyembre 1-15 at Disyembre 27-29.

Inabisuhan ang publiko na bisitahin ang social media pages ng Minor Basilica of Black Nazarene para sa petsa at oras ng pagbisita ng imahe.

Pinaalalahanan din ng Quiapo Church ang mga deboto na ang pagbabasbas ng mga replica at estandarte ay gagawin ng tatlong araw mula Disyembre 27 hanggang 29 na gagawin sa Plaza Miranda.

Pinapayuhan ang mga deboto na magkakaroon lamang ng isang pasukan at labasan upang mapamahalaan ang daloy ng mga tao.

Ang pasukan ay sa Carriedo habang ang labasan ay sa Quezon Blvd.

Ang Thanksgiving Motorcade ay magsisimula ala-11 ng gabi sa Disyembre 30.

Ang magiging ruta ng motorcade ay mula Plaza Miranda – diretso sa Villalobos, kanan sa Carlos Palanca, kanan sa  Plaza Lacson, kanan sa Carriedo, kaliwa ng Evangelista, kanan sa Gonzalo Puyat, kakanan uli sa  Quezon Blvd., kaliwa sa Ilalim Palanca, kaliwa sa Quezon Blvd., kanan sa Arlegui, kaliwa sa Legarda at kaliwa sa Conception Aguila.

Gayundin kakanan sa Carcer, kanan uli sa Hidalgo, kaliwa ng Bilibid Viejo / G. Puyat, kaliwa ng Guzman, Right – Hidalgo, kaliwa ng Quezon Blvd., kanan ng Ilalim Palanca, kanan ng Villalobos, Plaza Miranda / Quiapo Church.

Tatlong araw din na nasa Quirino Grandstand ang imahe ng Black Nazarene mula Enero 7 hanggang 9, 2023.

Sa Enero 8 ay magkakaroon ng Walk of Faith procession mula Luneta hanggang Basilica pagkalipas ng alas-12 ng tanghali, pagkatapos nito ay magkakaroon ng misa na pangungunahan ni Fr. Rufino Sescon Jr., rector ng Quiapo Church.

Ang Feast Day Mass na gaganapin sa Enero 9 sa alas-12 ng umaga ay pangungunahan ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula. Jocelyn Tabangcura-Domenden