Aktibidad malapit sa Bulkang Mayon ipinagbawal

Aktibidad malapit sa Bulkang Mayon ipinagbawal

August 22, 2022 @ 4:14 PM 1 month ago


LEGAZPI CITY- Ipinagbawal ni Albay Governor Noel Rosal nitong Lunes ang anumang aktibidad sa 6-kilometer-radius permanent danger zone matapos isailalim ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Mayon Volcano sa Alert Level 1.

Sa isang abiso, sinabi ni Rosal na ipinagbabawal sa loob ng permanent danger zone ang pamimitas ng bulaklak, pagsasaka, at iba pang human activities.

Hindi naman kasama sa ban ang mga aktibidad ng pagbibigay ng public safety at disaster operations.

Ipinagbawal din ni Rosal ang recreational activities gaya ng camping, hiking, climbing, at mountain biking sa danger zone.

Inabisuhan niya ang mga residente malapit sa valleys at river channels tna mag-ingat sa posibleng lahar at sediment-laden streamflows na maaaring idulot ng malakas na ulan.

Hiniling din niya sa mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng checkpoints sa kahabaan ng six-kilometer radius ng bulkan.

Inilagay ng Phivolcs sa bulkan sa Alert Level 1 nitong Linggo matapos magpakita ng abnormal conditions at pagpasok sa period of unrest, na nangangahulugang pagtaas ng tiyansa ng sudden steam-driven o phreatic eruption. RNT/SA