Aktibidad nitong Semana Santa, halalan sinisi sa bahagyang pagtaas ng COVID cases sa ilang lugar

Aktibidad nitong Semana Santa, halalan sinisi sa bahagyang pagtaas ng COVID cases sa ilang lugar

April 24, 2022 @ 9:37 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinisi ng Department of Health (DOH) sa bahagyang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa ilang lugar ang mga aktibidad na may kaugnayan sa halalan at ang pagtaas ng mobility ng mga tao dahil sa Semana Santa.

Sa public briefing, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na ang sumusunod na mga lugar na nakapagtala ng bahagyang pagtaas ng bagong impeksyon na itinuring niyang “hindi gaanong mahalaga” ngunit nangangailangan ng karagdagang pagsubaybay.

– Marinduque

– Davao City

– Butuan City

– Surigao del Sur

– Ilocos Norte

– Kalinga

– Batanes

– Quirino

– Catanduanes

– Olongapo City

– Tarlac City

– Angeles City

– Eastern Samar

“Hindi natin nakikita ang common factors sa lahat ng areas but siyempre iyong ating influx ng mga turista, mga umuwi ng kanilang probinsiya,” sabi ni Cabotaje .

Sinabi pa ni Cabotaje na ang pagdagsa sa mga campaign sorties din ang posibleng mga dahilan ng bahagyang pagtaas.

Nauna nang nagbabala ang DOH na maaring makapagtala sa Metro Manila ng hanggang 446,000 COVID-19 cases sa kalagitnaan ng Mayo kung lalabag ang mga tao sa health protocols dahil sa mga aktibidad na may kaugnayan sa halalan kasabay ng pagpapagaan sa alert status sa ilang mga lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden