Aktibidad para sa #Nazareno2023, dinagsa

Aktibidad para sa #Nazareno2023, dinagsa

January 8, 2023 @ 9:15 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Dumagsa ang mga deboto ba nakiisa sa Walk of Faith para sa Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo Maynila nitong Enero 8.

Maagang sinimulan ang prusisyon mula Quirino Grandstand patungong Quiapo church dakong ala-1:30 ng madaling araw kung saan umabot sa kabuuang 88,000 ang crowd estimate ayon sa pinakahuling pagtaya ng Quaipo church command post.

Ipinagbawal naman ang pagdadala ng mga imahe na lalampas sa 2 feet.

Bukod dito, pinayuhan ng pamunuan ng Quiapo church at ng kapulisan na sundin ang health protocols at huwag magdadala ng mabibigat na gamit at maaaring pagsimulan ng kapahamakan.

Natapos ang prusisyon makalipas ang dalawa at kalahating oras nang makarating sa Minor Basilica ng Black Nazarene.

Bukas, Enero 9, ang mismong araw ng Pista ng Poong Itim na Nazareno o Nazareno 2023 kung saan magdaraos din ng misa na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.

Sinabi naman ni Manila Police District Brig.Gen.Andre Dizon na wala pa namang iniuulat na untoward incident mula sa pagpupugay hanggang sa Walk of Faith procession.

Ang Walk of Faith ay kapalit ng Traslacion ngunit prusisyon lamang ang naganap at walang kasamang andas at wala rin ang malaking imahe ng Black Nazarene kundi maliliit lamang na replica.

Nagpapatuloy naman ang mahigpit na seguridad sa paligid ng Quiapo Church dahil bukas pa ,Lunes ang mismong araw ng selebrasyon ng Pista ng Poong Itim na Nazareno na inaasahang dadagsain pa rin ng mga deboto ang Simbahan ng Quiapo. Jocelyn Tabangcura-Domenden