Aktibong COVID cases sa Maynila 1,500 na lang

Aktibong COVID cases sa Maynila 1,500 na lang

January 25, 2022 @ 12:06 PM 8 months ago


Tuloy-tuloy ang pagbaba ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila kung saan nasa 1,500 na lamang ang bilang nito kumpara sa halos 2,500 kaso nito lamang nakaraang linggo.

Batay sa ulat ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang social media page, nasa 1,513 aktibong kaso na lamang ang naitala kumpara sa 2,486 aktibong kaso na naitala noong Enero 20,2022.

Bumaba na din ang occupancy rate ng mga COVID-19 bed capacity sa anim na district hospital sa lungsod ng Maynila na nasa 27% na lamang habang ang Manila COVID-19 Field Hospital sa Luneta ay nasa 28% na lamang ang kapasidad ng mga okupadong kama para sa mga pasyente nito.

Wala namang naitalang mga pasyente sa lahat ng quarantine facility sa lungsod matapos gumaling na ang mga ito.

Samantala, nasa higit 40,000 indibidwal na ang nabakunahan ng booster shot sa tuloy-tuloy na “drive-thru” booster vaccination sa Maynila kabilang na dito ang 24/7 booster vaccination caravan sa Quirino Grandstand para sa 4 wheels na sasakyan, sa Bagong Ospital ng Maynila na para naman sa mga PUV drivers at sa Kartilya ng Katipunan na para naman sa mga rider ng 2 wheels na motorsiklo at bisikleta. JAY Reyes