Aktibong kaso ng COVID, pinakamababa sa loob ng 3 buwan

Aktibong kaso ng COVID, pinakamababa sa loob ng 3 buwan

November 4, 2022 @ 7:13 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naitala ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Nobyembre 3 ang pinakamababang aktibong kaso ng COVID-19 sa loob ng tatlong buwan.

Ito ay makaraang maitala ang 782 na bagong kaso ng sakit at nagresulta sa pagbaba ng aktibong kaso nito sa 18,392 o pinakamababa mula Hulyo 15, 2022.

Ang nationwide COVID-19 tally naman ay umabot na sa 4,006,635 ayon sa DOH.

Ito na ang ikatlong sunod na araw na mas mababa sa 1,000 kaso ang naitatala.

Nagmarka rin ito sa ikaanim na sunod na araw na patuloy ang pagbaba ng mga aktibong kaso ng nakahahawang sakit.

Sa nakalipas na dalawang linggo, ayon sa DOH ay nananatiling ang National Capital Region ang may pinakamataas na mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa 4,355 kaso, sinundan ng Calabarzon sa 2,624, Western Visayas sa 1,577, Central Luzon sa 1,536, at Davao Region sa 1,077.

Samantala, ang kabuuang bilang naman ng mga gumaling ay tumaas pa sa 3,924,064 dahil sa 1,058 new recoveries at ang total death tally ay nasa 64,179 sa 34 bagong nasawi, pinakamababa sa loob ng siyam na araw. RNT/JGC