Aktibong kaso ng COVID sa Pinas sumirit sa higit 38,000

Aktibong kaso ng COVID sa Pinas sumirit sa higit 38,000

September 28, 2022 @ 7:23 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Pilipinas nitong Martes ng 1,555 bagong kaso ng COVID-19, na tumaas ang kabuuang caseload ng bansa sa 3,941,656.

Ito ay makaraan ng limang magkakasunod na araw ng mahigit 2,000 na impeksyon sa COVID-19 na naitala araw-araw.

Batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), tumaas pa ang active tally sa 38,315 mula sa 37,082 noong Lunes.

Kabilang sa mga nangungunang rehiyon na may pinakamaraming kaso nitong nakaraang dalawang linggo ay ang National Capital Region (NCR) na may 13,839 na bagong kaso, sinundan ng Calabarzon na may 5,211, Central Luzon na may 2,791, Davao Region na may 1,313, at Western Visayas na may 799.

Sinabi ng DOH na ang recovery tally ng bansa ay tumaas din sa 3,840,492, habang ang namatay ay umakyat din sa 62,849

Samantala, ang nationwide bed occupancy ay nasa 25.7% na may 7,311 beds occupancy habang hindi bababa sa 21,132 ang bakante noong Linggo, Setyembre 25.

Sinabi ng DOH na hindi bababa sa 14,264 na indibidwal ang nasubok, habang 341 testing laboratories ang nagsumite ng data noong Lunes, Setyembre 26. Jocelyn Tabangcura-Domenden