Aktibong manggagawa tumaas, unemployment rate bumaba

Aktibong manggagawa tumaas, unemployment rate bumaba

June 11, 2022 @ 4:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Bago matapos ang kanilang termino ngayong buwan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kanilang ipapasa ang merkado sa paggawa ng nasa mas mabuting kalagayan kumpara ng dati dahil sa pandemya, gaya ng ipinapakita sa Abril 2022 Labor Force Survey.

Batay sa pinakahuling ulat ng PSA, nagkaroon ng makabuluhang pagtaas na 5.3% o 2.450M aktibong manggagawa kumpara noong Enero 2022.

Nagtala din ang Abril 2022 LFS ng pinakamataas na datos sa empleo mula noong pandemya na 94.3% o 45.631M manggagawang may trabaho, na nangangahulugan ng pagtaas sa empleyo na 2.613M kumpara noong Enero 2022 (43.018M o 93.6%).

Ang unemployment rate ay bumaba rin ng 5.7% o 2.762M walang trabaho noong Abril 2022 kumpara sa 6.4% o 2.925M na walang trabaho noong Enero 2022. Naobserbahan din ang pagbaba ng underemployment rate na 14% o 6.399M noong Abril 2022 kumpara sa 14.9% o 6.397M underemployed noong Enero 2022.

“Bagama’t tila matatapos na ang pagsubok na ito, marami pa rin tayong mga hamon na kinakaharap. Sa kabila ng ating mga gawain upang kontrolin ang epekto ng pandemya, marami pa ring panlabas na pangyayari na nagiging dahilan sa pagtaas sa presyo ng gasolina, pagkain at iba pang mga pangunahing bilihin na nakakaapekto sa ating ekonomiya at nagiging balakid sa ating pagsusumikap na palakasin ang merkado ng paggawa.” pahayag ni Bello.

Ayon kay Bello, binabantayan ng DOLE ang mga ganitong kaganapan, at gaya ng dati handa tayong kumilos upang tulungan ang ating mga manggagagawa sa pamamagitan ng emergency employment, tulong-pangkabuhayan, at mga serbisyong pangtrabaho, bukod sa iba pa.

“Sa pagdating ng bagong administrasyon, sisikapin nating mapanatili ang katatagan at kapayapaang-industriyal sa merkado ng paggawa hanggang sa huling araw ng ating panunungkulan. Kami ay lubos na naniniwala na mapapanatili, at maaaring higitan pa ng bagong administrasyon ang ating mga natamo ” bahagi pa ng pahayag ni Bello ukol sa April 2022 Labor Force Survey. Jocelyn Tabangcura-Domenden